Isang lalaking bilanggo na umano’y mahilig magwala, manapak at mangagat ang namatay nang pagtulungang bugbugin ng kanyang mga kakosa sa loob ng Antipolo City Police Station, sa Rizal kamakalawa.
Isinugod pa sa Rizal Provincial Annex 2 si Margine Sanchez, ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa mga sugat at bugbog sa katawan.
Sa ulat ng Antipolo City Police Station sa tanggapan ni Calabarzon Police Regional Director Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, isang preso ang nag-imporma sa mga duty jailer na nahihirapang huminga si Sanchez, bandang 5:15 ng hapon kamakalawa.
Mabilis na isinugod ang biktima sa ospital, ngunit huli na ang lahat.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng mga pulis na pinagtulungang bugbugin ang biktima ng mga kapwa bilanggo na sina Jimmy Apable, Rodelio Alcuriza, at Daniel Sallan.
Sa report ni Antipolo City Police chief, Police Supt. Serafin Petalio II kay Eleazar, madalas umanong magwala ang biktima at sinasapak at kinakagat ang mga kapwa preso.
Napikon umano ang mga suspek at pinagtulungang bugbugin ang biktima hanggang sa nalagutan ng hininga.
Ayon kay Petalio, kinasuhan na ng homicide ang mga suspek.
-MARY ANN SANTIAGO