Patay ang isang 40-anyos na delivery rider matapos umano itong saksakin at pagbabarilin ng dalawang magkapatid sa Barangay Turo, Bocaue, Bulacan.
Batay sa ulat ng pulisya, nagpunta lamang ang biktima sa lugar upang maghatid ng parcel nang maganap ang krimen bandang 5:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, bigla umanong sinaksak sa likod ng isa sa mga suspek ang rider habang nasa gitna ng kaniyang delivery. Tinangka pa umanong tumakas ng biktima ngunit muli itong inundayan ng saksak dahilan upang bumagsak sa kalsada.
Habang nakahandusay, pinagbabaril naman umano siya ng isa pang suspek gamit ang 9mm pistol. Limang putok umano ang pinakawalan ng gunman na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng rider.
Maririnig pa sa kuha ng CCTV camera ang pag-iyak at paghingi ng saklolo ng biktima habang nagaganap ang pananakit. Inilarawan ng mga imbestigador na tila “napagtripan” lamang umano ng mga suspek ang rider, na ayon sa mga ulat ay nasa impluwensiya umano ng alak nang mangyari ang insidente.
Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang Bocaue Municipal Police Station na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.
Narekober mula sa kanila ang isang 9mm pistol, mga bala, magazines, limang basyo ng bala, at isang kutsilyong hinihinalang ginamit sa pagpatay.
Hindi nagbigay ng pahayag ang magkapatid matapos maaresto.
Inaasahang sasampahan ng kasong murder ang dalawang suspek habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.