Nagsagawa ng Facebook Live si Senate President Alan Peter Cayetano kung saan ibinahagi niyang ginamit niya ang sikat na cartoon at video game franchise na Pokémon upang maipaliwanag sa kaniyang mga pamangkin ang naging tensyon at sigalot sa Senado noong Mayo 13.
Ang Pokémon ay isang tanyag na Japanese animated series at game franchise kung saan tampok ang iba’t ibang nilalang o “Pokémon” na may kani-kaniyang kakayahan, habang umiikot ang kuwento sa laban ng mga bayani at kontrabida.
Ayon kay Cayetano, hindi niya ginamit ang karaniwang linyang “maiintindihan ninyo ito kapag matanda na kayo.”
Sa halip, sinubukan umano niyang ipaliwanag sa simpleng paraan ang masalimuot na sitwasyon sa Senado, kabilang ang usapin sa International Criminal Court o ICC, ang preventive custody kay Ronald "Bato" Dela Rosa, at ang umano’y “majority 13” na nagpatalsik kay dating Senate President Tito Sotto III at nagluklok sa kaniya bilang lider ng Senado.
Nagpasalamat din si Cayetano sa Diyos dahil nakaisip umano siya ng paraan upang maipaliwanag sa neutral na pamamaraan ang mga pangyayaring naganap sa politika.
Sa kaniyang paliwanag, sinabi ni Cayetano na bawat tao ay may tinatawag na “Mega Dream” o malaking pangarap. Naniniwala umano siyang ang bawat tao ay may pangarap ayon sa plano ng Diyos, ngunit maging ang masasamang puwersa ay may sariling layunin din.
Ipinaliwanag din niya na upang makamit ang mga pangarap na ito, kinakailangan ang “Perfect Order.” Binanggit niya ang ilang kuwento sa Bibliya tulad nina Cain at Abel bilang halimbawa ng pagkawala ng kaayusan dahil sa kasalanan ng tao.
Ayon pa kay Cayetano, kapag pinagsama ang “perfect order” at “mega dream,” kinakailangan ng mga bayani o “heroes.” Dito niya ipinakita ang tinawag niyang “Ascended Heroes” card. Gayunman, sinabi niyang dahil tao lamang ang lahat, katulad ng mga kuwento sa komiks, pelikula, o Netflix series, laging may mga bayani at kontrabida.
Aniya, sa kasalukuyang political thinking, nagiging katulad umano ito ng awayan sa fraternity kung saan hindi na mahalaga kung sino ang tama o mali dahil mas inuuna ng ilan ang pagkampi sa kanilang grupo.
Kasunod nito, ipinakita naman ni Cayetano ang “Chaos Rising” card. Ipinaliwanag niyang ang kaguluhan o chaos ay hindi lamang nagmumula sa masasamang taong nais sirain ang mabuting sistema, kundi maging sa mga taong nais mapanatili ang status quo at pigilan ang mga nagtatangkang magdala ng pagbabago.
Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hindi niya sinasabing mabuti ang kanilang panig at masama ang iba.
Sa huli, nanawagan siya ng pagkakaisa at sinabi na upang makamit ito, kinakailangang matutong mahalin ng mga tao ang kanilang kaaway. Hinikayat din niya ang publiko na sa halip na mang-bash sa social media ay maglaan na lamang ng oras para magnilay at magdasal ngayong weekend.
Matatandaang naganap ang shoot-out sa Senado noong Mayo 13, ilang araw pagkatapos ng pagsulpot ni Sen. Bato matapos ang anim na buwang hindi pagdalo sa plenary session.
Tinangka umanong isilbi at ipatupad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador, kaugnay sa kinahaharap na kasong crimes against humanity bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Maki-Balita: 'The Senate was under attack!' SP Cayetano, tinaasan ng boses nagtanong sa pamamaril sa Senado