PALIBHASA’Y halos pabalik-balik sa mga ospital dahil sa iba’t ibang karamdaman, kaagad kong ipinanggalaiti ang sinasabing kabiguan ng gobyerno – sa pamamagitan ng PhilHealth – na bayaran ang mga utang nito sa mga private hospitals. Dahil dito, ang naturang mga ospital na kasapi sa Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) ay nagbantang kumalas sa naturang health insurance agency ng pamahalaan.
Hanggang sa mga araw na ito, sinasabing umaabot sa halos dalawang bilyong piso ang dapat bayaran sa mga PhilHealth-accredited hospitals sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Naniniwala ako na ito ang maaaring maging dahilan ng pagtigil ng operasyon ng ilang pagamutan. Bagamat hindi dapat mangyari, maaaring mapilitan silang tanggihan ang mga pasyente na ang panggastos sa pagpapagamot ay dapat sagutin ng nasabing health insurance ng gobyerno – panggastos na hindi naman nababayaran.
Ngayon dapat ipamalas ng Duterte administration ang tunay na pagmamalasakit sa sambayanan, lalo na sa mga malimit dapuan ng mga karamdaman. Isang matinding utos lamang ang kailangan upang mabayaran ng PhilHealth ang mga pananagutan nito sa mga ospital. Naniniwala ako na may sapat na salapi ang nasabing ahensiya sapagkat ang pondo nito ay sapilitang kinakaltas sa mga miyembro; maliban lamang kung nagkaroon ng pangungulimbat sa salapi ng bayan.
Hindi maaaring maliitin ang kahalagahan ng ayudang ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga pasyente. Nakapagpapagaan ito sa kanilang binabayaran sa pagpapagamot, lalo na kung sila ay naka-confine sa mga ospital. Hindi ko na tutukuyin ang mga pagamutan, subalit ang gayong mga biyaya at kaluwagan ay tinamasa ko nang ako ay naospital dahil sa mild stroke, profuse stomach bleeding at iba pang karamdaman.
Naniniwala ako na hindi mag-aatubili si Pangulong Duterte na aksiyunan ang naturang problema; malambot ang kanyang puso, lalo na kung isasaalang-alang ang kalusugan ng sambayanan. Katunayan, dagli ang kanyang utos upang maging moderno o state of the art, halimbawa, ang V. Luna General Hospital – ang pagamutan ng ating mga kawal na nagkakasakit at nasusugatan sa pakikipagdigmaan sa mga kaaway ng bayan.
Kamakailan, natunghayan ko ang isa pa niyang utos hinggil sa pagpapatayo ng mga ospital sa ilang kampo ng sandatahang lakas ng bansa. Sa gayon, ang ating mga sundalong may karamdaman ay hindi na kailangang iluwas sa Metro Manila.
Ang paglutas sa nabanggit na problema ay hindi lamang makapagpapaluwag sa pasanin ng mga pribadong ospital; higit sa lahat ito ay mangangahulugan ng kaligtasan ng buhay ng mga may karamdaman, lalo na ang maralitang mga pasyente.
-Celo Lagmay