MAAARING makasarili ang aking impresyon sa mahimalang pagbuti ng serbisyo ng MRT-3, subalit isang malaking pagkukunwari kung hindi natin papalakpakan ang naturang transport agency ng gobyerno. Isipin na lamang na mula sa araw-araw na pagtirik ng mga tren, halos isang buwan nang hindi man lamang nagkaroon ng aberya sa railway service, tulad ng ipinangalandakan ng Department of Transportation (DOTr).
Totoo na sa pagsisimula pa lamang ng Duterte administration, giniyagis na tayo ng matinding problema sa patigil-tigil at pagkasira ng mga bagon ng MRT-3. Napipilitan tayong maglakad pababa, maghanap ng masasakyan sa pagmamadaling makarating sa ating patutunguhan. Kaakibat ito ng ating walang katapusang panggagalaiti at mistulang pagsumpa sa mismong mga nangangasiwa sa naturang transport agency.
Ang gayong nakadidismayang sitwasyon ay kaagad namang bumabalandra sa nakaraang Aquino administration na sinasabing salarin, wika nga, sa katakut-takot na aberya sa MRT-3. Sa pamumuno nito naganap ang umano’y masasalimuot na transaksyon hindi lamang sa konstruksiyon ng mga riles kundi maging sa pagbili ng mga bagon. Maging ang mga mangangasiwa o maintenance provider ay kinontrata na ng nakalipas na pangasiwaan.
Naging dahilan ito ng sunud-sunod na mga kapalpakan kasunod ng mga pangako na kaagad reremedyuhan ang naturang problema. Katunayan, hindi ko malilimutan ang pangako ni dating Secretary Joseph Aguinaldo Abaya ng Department of Transportation and Communication (DoTC): Magpapasagasa sila sa tren kapag hindi naaksiyunan ang problema sa MRT-3. Hanggang ngayon, ang naturang pangako ay nanatiling pangako na patuloy namang nagpabigat sa kalbaryong pinapasan ng mga nananakay.
Ang nabanggit na mga problema at kapalpakan ay mistulang sinalo ng kasalukuyang administrasyon. Minana nito ang lahat ng paninisi, ang sinasabing maanomalyang mga transaksyon at iba pang hindi kanais-nais na pamamahala na kagagawan ng hinalinhang pangasiwaan. Naniniwala ako na ang mga ito ang nagpaalab sa kanilang pagsisikap upang malunasan ang nasabing transport issue sa kaginhawahan ngayon ng ating mga kapwa mga pasahero.
Subalit hindi ito dahilan upang paligtasin ang mga pasimuno sa naganap na mga kapalpakan, anomalya at iba pang pagpapabaya sa serbisyo ng mga tren. Higit kailanman, ngayon lalong dapat pabilisin ang paggulong ng katarungan laban sa mga dapat managot sa masasalimuot na transaksiyon sa MRT-3. Sila ngayon ang dapat pumasan sa mabigat na kalbaryo na dating nakaatang sa mga mananakay.
-Celo Lagmay