Sinampahan ng kasong administratibo ng Northern Police District (NPD) ang 11 nilang tauhan dahil sa iba’t ibang paglabag na may kaugnayan sa kanilang trabaho bilang miyembro ng Philippne National Police (PNP).
Sa datos ng District Advisory Council Meeting, tatlo sa mga pinarusahan ay may ranggong Police Officer 1, limang Police Officer 2, dalawang Police Officer 3 at isang Senior Police Officer 1 na nahaharap sa mga simple neglect at less grave neglect of duty.
Kabilang sa mga kasong administratibo ng 11 pulis ay pagtulog habang naka-duty, AWOL (absent without leave), pag-absent sa mga importanteng okasyon at hindi pagsasauli ng service firearms.
Sinabi ni NPD Chief Directorial Staff, Sr. Supt. Benjamin Silo, Jr., ang pagdisiplina sa kanilang mga tauhan ay bahagi ng kampanya ni PNP Director General Oscar Albayalde na ‘internal cleansing’ o pagdisiplina sa puwersa ng pulisya.
Inamin niya na hindi sapat ang anim na buwang training ng mga baguhang pulis na karaniwang nasasangkot sa mga paglabag kaya upang madisiplina ang mga lumabag ay patuloy ang ibinibigay nilang ‘seminar’ at pagsasanay sa mga bagitong pulis.
Bukod sa mga pagsasanay, maaari ring mapatawan ng parusang suspensyon ng walang suweldo ang mga pasaway na pulis ng hanggang 15 araw depende sa rekomendasyon ng kanilang opisyales.
-Orly L. Barcala