Makalipas ang 22 araw na paglalakbay sa karagatang sakop ng Xiamen, China, matagumpay na nakabalik sa bansa kahapon ang 2018 Balangay Expedition Team.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesman Capt. Arman Balilo, pinangunahan nina dating Pangulong Fidel Ramos at Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang pagsalubong sa Balangay Expedition Team na dumaong sa Manila Yacht Club sa Maynila, bandang 9:30 ng umaga.
Pinamunuan ni Usec. Arturo Valdez ang makasaysayang paglalayag, kasama ang halos 20 tauhan ng PCG at ilang pribadong mamamayang sakay sa tatlong replica ng Balangay.
Matagumpay na nakadaong sa Xiamen, China ang tatlong Balangay, sakay ang mahigit 30 Pinoy adventurer, makalipas ang apat na araw na paglalayag mula sa Manila Bay.
Nasa 800 milya ang paglalayag mula sa Manila Bay hanggang sa baybayin ng Xiamen.Dumaan ang grupong “Kaya ng Pinoy” sa mga karagatang bahagi ng Bagac, Subic, La Union, bago tinawid ang karagatan ng Xiamen.
-Beth Camia