DAHIL sa kabi-kabilang pagtataas ng suweldo at pagkakaloob ng iba pang biyaya sa mga tauhan ng gobyerno – lalo na sa mga pulis at sundalo – naitanong ng ating mga kapwa pensyonado ng Social Security System (SSS): Kailan naman kaya masusundan ang isang libong pisong dagdag sa ating monthly pension? Ang kanilang tinutukoy ay ang karagdagang gayon ding halaga na ipinangako ng Duterte administration.
Hindi maiaalis na kainipan at panabikan ng katulad nating nakatatandang mamamayan ang naturang pension hike: Patuloy na tumitindi ang aming pangangailangan hindi lamang sa pagkain kundi lalo na sa mga gamot na dapat naming inumin upang humaba-haba naman ang aming buhay.
Ang mistulang pangungulit namin sa mga namumuno sa administrasyon ay hindi nangangahulugan na inuutusan namin sila. Manapa, nais lamang naming untagin ang kanilang kamalayan at damahin ang hinaing ng mga nasa dapit-hapon na ng buhay. Ilang tulog na lamang at hindi malayong ang ilan sa amin ay mamaalam na, wika nga. Nakakikilabot isipin o morbid, subalit ganyan ang buhay.
Sa kabila ng gayong mga alalahanin, ang katiting na biyaya o pension hike ay hindi naman sana mabahiran ng masasalimuot na transaksyon, na nagiging balakid sa pagpapalabas ng nasabing pondo; na ito ay maging bahagi ng maanomalyang kontrata na isinulong ng ilang ahensiya ng gobyerno. At ito ay lalong hindi naman sana nasagasaan, wika nga, ng TRAIN Tax Reform Acceleration and Inclusion Act – ang batas na sinasabing nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng iba’t ibang pangunahing pangangailangan ng sambayanan.
Sa anu’t anuman, hindi naman nakapanghihinayang ang dagdag sa aming pensyon. Isang katotohanan na karamihan sa SSS pensioners ay naging bahagi rin ng mga programang pangkaunlaran na pinakikinabangan ng taumbayan noong sila ay aktibo pa sa kani-kanilang paglilingkod. Ang kanilang kasipagan, katalinuhan at pagpapakasakit sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran ay naging pundasyon ng matatag na mga komunidad. Naging halimbawa rin sila na pinamarisan ng sumunod na henerasyon ng mga lingkod-bayan.
Sa kabila ng lahat ng ito, natitiyak ko na hindi ingrata o walang utang na loob ang SSS pensioners. Hindi matatawaran ang kaluwagan na naidulot sa amin ng naunang dagdag na isang libo sa aming pensiyon. Naniniwala ako na ibayong kasiyahan at pasasalamat ang aming madadama kung masusundan ang aming paglalambing na mangangahulugan ng paghaba at hindi pag-ikli ng aming buhay.
-Celo Lagmay