NOONG dekada ‘70 nagugunita ko pa ang pagkakaroon ng Kabataang Barangay School Chapter (KBSC) sa San Beda College. Nang naganap ang ‘EDSA Uno’ noong 1986, nakintal sa isipan ng “dilaw” na Palasyo na burahin lahat ng ala-ala at palatandaan ng pinatalsik na pamahalaan.

Ilang buwan pa lamang sa pangangasiwa, naglunsad ang noo’y administrasyon ng ‘Konsultahang Kabataan’, na binubuo ng iba’t ibang samahan ng kabataan, na sumusuporta sa bagong pamahalaan. Ginawa sa Laguna ang convention ng youth groups upang isangguni ang kinabukasan ng ‘Kabataang Barangay’ (KB).

Hindi na ako sumama sa naturang pagtitipon na ginanap sa loob ng tatlong araw. Pinapunta ko si Al Lopez (itinuro ni Cory Aquino bilang Youth Congressman pagkatapos ng ilang buwan), na Bise Presidente sa YOUNG-UNIDO upang kumatawan sa akin at aming grupo. Ang YOUNG-UNIDO ang kabataang hanay sa ilalim ng UNIDO ni Salvador “Doy” Laurel.

Kahit sa simula pa lang, may mga bitak na sa pagitan ng UNIDO at “dilaw’ na samahan. Mga magkakasalungat na pananaw, polisiya, programa, at higit, mga binasurang pangako ni Cory sa pamilyang Laurel. Hindi na ako pumunta sa pulong sa Laguna dahil batid ko, na “niluto” na ang kunwaring “konsultahan”. Halimbawa nito ay ang pagbasura sa KB at pagpalit nito sa Sangguniang Kabataan (SK), pagpapalit ng mga lider ng KB at iba pa. Ganoong kababawan ang layunin ng convention. Hindi tuloy natalakay ang mas masustansyang mga isyu na bumabagabag sa kung ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng kabataan? Paano sila makatutulong sa bayan? Sa anong itinatag na istruktura sila ganap na may maitutulong sa barangay?

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Sa katatapos lamang na Barangay at SK election (BSKE), lalo lang napatunayan na naging tumpak ang aking paninindigan na dapat alisin ang halalang SK kalakip sa mga beteranong Barangay officials. Sa murang gulang tinuturuan natin ang ating mga anak na, halimbawa, ay labagin ang batas: 1) Mamili ng boto 2) Mandaya 3) Pera at hindi demokrasya ang mahalaga upang manalo sa halalan.

Sa akin, gawing “volunteerism” (kusang-loob/walang sweldo) ang pagkakaroon ng SK. Samu’t saring youth groups ang maaaring magrehistro sa barangay o munisipyo, at kung may maayos na proyekto silang nais ipanukala, kailangang ihain ito sa mga konseho para maaprubahan at pondohan. Yan ang tamang direksyon para sa mga supling ng republika.

-Erik Espina