Ni Beth Camia at Mary Ann Santiago

Magsasampa ng motion for reconsideration (MR) ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang mabaligtad ang desisyon ng Supreme Court (SC) na pumabor sa quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, executive vice president ng IBP, na nakababahala ang desisyon ng walong mahistrado dahil binalewala umano ng mga ito ang principle of fairness, at pinairal umano ang personal na galit kay Sereno.

Giit ni Cayosa, hindi rin maaaring agad na tanggalin sa puwesto si Sereno dahil mayroon itong 15 araw para maghain ng MR.

National

Sa gitna ng ethics complaint: Wilbert Lee, iginiit na walang intensyong manakit, mambully

Kaugnay nito, sinimulan ng ilang church groups ang pagdaraos ng 10-araw na vigil sa harapan ng Korte Suprema upang ipakita ang kanilang pagtutol sa pagpapatalsik ng Korte Suprema kay Sereno bilang punong mahistrado, na ayon sa kanila ay hudyat ng pagkamatay ng demokrasya ng bansa.

Nagtipon sa harap ng SC simula nitong Biyernes ng gabi, iginiit ng mga grupong Gomburza at National Secretariat for Social Action (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na labag sa batas ang quo warranto petition at tanging impeachment ang makapagpapaalis sa puwesto sa isang punong mahistrado.

Pinatalsik sa puwesto sa botong 8-6 ng mga kapwa niya mahistrado, ibinunyag ni Sereno na tinanggihan niya ang alok ni Pangulong Duterte na mag-usap nila.

Hindi binanggit kung sino ang nanghikayat sa kanyang makipagharap sa Pangulo, sinabi ni Sereno sa isang panayam na tinanggihan niya ang dayalogo dahil ayaw niyang makompromiso ang pagiging independent ng hudikatura.