Ni Marivic Awitan
DAHIL sa patuloy na dominasyon ni Taane Samuel, naiposte ng De La Salle University ang ika-4 na sunod nilang panalo matapos durugin ang Emilio Aguinaldo College , 83-51, noong Biyernes ng gabi sa 12th Chooks-to-Go Filoil Flying V Pre Season Cup sa San Juan City.
Nagposte ang Kiwi na si Samuel ng 28 puntos at 9 na rebounds sa loob ng 17 minuto sa loob ng court upang pamunuan ang nasabing panalo.
Sinundan naman siya ni Mark Dyke na nag-ambag ng double-double 13 puntos at 10 boards para iangat ang Green Archers sa liderato ng Group A (4-0).
Sa kabilang dako, nabaon naman ang Generals na pinangunahan ni Ichie Altamirano na umiskor ng 9 na puntos sa kanilang ika-4 na sunod na pagkatalo.
Sa isa pang laban, pinamunuan ni Paul Desiderio ang University of the Philippines sa kanilang ikatlong sunod na panalo matapos padapain ang University of Perpetual Help System-Dalta , 77-63.
Nagtala ang Gilas Cadet ng 20 puntos na kinabibilangan ng limang 3-pointers kasunod si Gelo Vito na may double-double 13 puntos at 14 rebounds upang pamunuan ang naturang panalo.
Tumapos namang topscorer para sa Altas na nanatiling winless matapos ang tatlong laro si Edgar Charcos na may 11 puntos.
Sumandig naman ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags kay Allyn Bulanadi para maigupo ang University of Sto. Tomas Growling Tigers, 79-71 .
Nagposte si Bulanadi ng 23 puntos, kasunod si RK Ilagan na may 17 puntos at John Calma na may 10 puntos at 17 rebounds para sa nasabing panalo ng Stags.