Ni Beth Camia at Alexandria San Juan

Bumagsak ng 12 puntos ang net satisfaction rating ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Mula sa +70 o excellent rating noong Disyembre 2017, bumaba sa +58 o very good ang net satisfaction rating ng administrasyong Duterte noong Marso 2018.

Sa SWS survey, naitalang 69 na porsiyento ng Pinoy ang kuntento sa trabaho ng administrasyon, habang 11% ang hindi nasiyahan.

National

4.7-magnitude na lindol, tumama sa Davao Occidental

Labing-walong porsiyento naman ang hindi makapagsabi kung kuntento sila o hindi sa trabaho ng kasalukuyang administrasyon.

Isinagawa ng SWS ang survey sa 1,200 respondents sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mula Marso 23-27.

Ayon sa SWS, ang pagbaba ng rating ng administrasyong Duterte ay bunsod na rin ng pagbulusok ng net satisfaction scores ng katatagan nito sa Luzon, Mindanao, at sa Metro Manila.

Sa Visayas, naging “very good” +57 naman ang net satisfaction rating ng administrasyong Duterte, mula Setyembre 2017-Marso 2018.

Nanatili naman sa “excellent” ang net satisfaction ng administrasyon nito sa Mindanao, bukod pa ang +72 nito noong Marso 2018. Ngunit, bumaba ito ng 15 puntos mula sa record-high na +87 noong Disyembre 2017.