Ni Ariel Fernandez

Hustisya ang sigaw ng pamilya ng isang overseas Filipino worker na biktima ng karumal-dumal na pagpatay sa South Korea.

Kinilala ang OFW na si Michael Angelo Claveria, tubong Iloilo, at iniulat na pinaslang noon pang 2016.

Ayon sa ulat, ipinabatid ng South Korea Police kay Gng. Angelita Claveria na nag-match sa anak niyang si Michael Angelo ang DNA ng kalansay sa loob ng septic tank, na natagpuan noong Abril 3.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Lumutang sa imbestigasyon na pinagnakawan muna si Michael Angelo bago pinatay. Nilimas ang cash on hand nito maging ang 60,000 na laman ng kanyang bank account.

Nakatakdang maglabas ng warrant of arrest ang pulisya sa South Korea laban sa apat na suspek na pawang mga Pinoy rin.

Gayunman, batay sa ulat ng Philippine Embassy sa Seoul, nakauwi na sa Pilipinas ang mga dating kasamahan sa trabaho ni Claveria, na pawang factory workers.

Nakatimbre na sa mga awtoridad sa Iloilo ang pagkakakilanlan ng apat na suspek at binabantayan na ang mga ito.

Inaasahang maiuuwi na rin sa bansa ang mga kalansay ni Michael Angelo sa tulong ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano.