Ni Alexandria Dennise San Juan
Sinigurado ng ride-sharing company na Grab Philippines sa publiko na direkta nitong sosolusyunan ang mga natanggap na reklamo mula sa mga pasahero, sa paglulunsad nito ng 100- day campaign, na layuning paghusayin pa ang pagbibigay serbisyo.
Inihayag kahapon ng Grab na magsasagawa ito ng mga inisyatibo para supilin ang mga pasaway na driver at mabigyan ng mas maayos na serbisyo ang mga pasahero.
Ang hakbang ay inilunsad kasunod ng pangako ng transport network company na ipagbabawal nito sa mga driver ang pagkansela ng biyahe, makaraan itong makatanggap ng ilang reklamo mula sa mga pasahero hinggil sa mga walang modong Grab drivers.
Binanggit ulit ni Grab Philippines Country Marketing Head Cindy Toh sa paglulunsad ng kampanyang “Better Trips Ahead” na nakararating sa kanila ang mga reklamo, at ginagawan na nila ito ng paraan.
“We are listening, we know that these are the difficulties that you are facing, and you deserve better, and that as a company, as Grab, we can be better,” sabi ni Toh.
Ayon kay Toh, layunin ng Grab’s Better Trips Ahead campaign sa 100 araw na pagpapatupad nito “to improve everyone’s journey.”
Layunin ng kampanya ang paghusayin pa ang apat na sektor ng paghahatid-serbisyo: ang pag-uugali ng driver, magkaroon ng mas magandang karanasan sa biyahe, mas pinaigting na customer support, at pagpapaganda pa ng driver welfare program.
Ilulunsad din ng Grab ang bagong app interface nito, isang in-app emergency button.