Ni Orly L. Barcala

Duguan ang isang taxi driver nang pagtulungang gulpihin at hatawin pa ng silya sa ulo ng isang magkapatid matapos silang magtalo-talo sa pahusayan ng pagtatari sa panabong na manok, sa Valenzuela City, nitong Lunes ng gabi.

Nakaratay sa ospital si Jonathan Panuwayan, 35, ng Barangay Ugong, matapos magtamo ng malalim na sugat sa ulo at ng mga mga pasa sa mukha at katawan.

Nadakip naman ang isa sa mga suspek na si Christopher Cuaresma, 32, kapitbahay ni Panuwagan, habang pinaghahanap pa ang kapatid nitong si Junior Cuaresma, 35 anyos.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa report ni SPO3 Ray Bragado ng Station Investigation Unit (SIU), nag-iinuman ang biktima at mga suspek sa kanilang lugar bandang 8:45 ng gabi nang magtalo sina Panuwayan at Junior tungkol sa tamang pagtatari sa panabong.

Nagsuntukan ang dalawa, hanggang tumulong si Christopher sa kapatid, kumuha ng plastic na bangko at ihinataw iyon sa ulo ng biktima.

Nahinto lang ang gulo sa pagresponde ng mga pulis, kaya nadakip si Christopher habang nakatakas naman si Junior, na kapwa kakasuhan ng frustrated homicide.