Nina Niño N. Luces at Ellalyn de Vera-Ruiz
LEGAZPI CITY, Albay – Nag-panic at nagkani-kaniyang takbo ang mga tao sa loob ng isang tatlong-palapag na shopping mall sa Legazpi City, Albay nang maramdaman ang malakas na lindol sa lalawigan, bandang 2:19 ng hapon kahapon.
Sinabi ni Darlan Barcelon, miyembro ng media sa siyudad, na nasa loob siya ng Metro Gaisano Mall kasama ang kanyang mga kaibigan nang maramdaman nila ang pagyanig ng buong gusali.
“Sobrang lakas nung lindol. Nakita ko, nagtakbuhan palabas ng mall [ang mga tao], may mga umiiyak, sa lakas talaga.
‘Yung isang empleyado ng mall, umiiyak na,” kuwento ni Barcelon.
Aniya, maging ang mga guwardiya sa establisimyento ay hindi nagawang makontrol ang nagpa-panic na mga tao na nag-unahan sa paglabas sa gusali.
“Lahat nagtatakbuhan palabas. ‘Di makontrol ng guard ‘yung crowd. ‘Di ko nakita ‘yung ginagawa nating earthquake or fire drill, basta ang gulo,” kuwento pa ni Barcelon. “’Yung katabing mall, ganun din. Nasa labas lahat ng tao at nagkakagulo.”
May lakas na 6.0 magnitude ang tectonic na lindol na yumanig sa Pandan sa Catanduanes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), at may lalim na 46 na kilometro.
Gayunman, naramdaman ang lindol hanggang sa National Capital Region (NCR).
Intensity 4 ang naramdaman sa Irosin, Sorsogon; Legazpi City, Iriga City at Ligao sa Albay; Jose Panganiban sa Camarines Norte; at Alabat sa Quezon.
Intensity 3 naman ang yumanig sa Obando, Bulacan; Guinayangan, Lopez, at Infanta sa Quezon; Sorsogon City; at Marikina City.
Intensity 2 ang naitala sa Lucban at Mauban, Quezon; Quezon City; Masbate City sa Masbate; Catbalogan, Samar; Cabanatuan City, Nueva Ecija; at Palo, Leyte; habang Intensity 1 naman sa Tagaytay City; Lucena at Dolores sa Quezon; Malabon City; San Ildefonso, Bulacan; at Guagua, Pampanga.