Nina MARY ANN SANTIAGO at ANALOU DE VERA
Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na isumbong kaagad sa kanilang tanggapan kung may makikita silang anumang paglabag sa election laws ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ang panawagan ay ginawa ni Comelec Spokesman James Jimenez kasunod ng natatanggap na mga ulat ng komisyon na maraming kandidato ang lumalabag sa mga panuntunan ng poll body kaugnay ng pangangampanya, sa ikalawang araw pa lamang ng campaign period kahapon.
Tiniyak naman ni Jimenez na kaagad na aaksiyunan ng Comelec ang mga sumbong na ilalapit sa komisyon, at babaklasin ang campaign materials na wala sa common poster areas.
“Ine-encourage natin ang publiko na mag-report sa atin, at kapag nakatanggap kami ng report, pinapapuntahan namin sa aming local officials para ma-validate kung talagang nandoon ang materials,” ayon kay Jimenez.
“Simple lang naman, ‘pag hindi sa common poster area nakakabit, bawal,” sabi ni Jimenez. “Isa lang ang exception d’yan… puwedeng magdikit sa private property, kapag pinayagan ng may-ari.”
Nabatid na sa unang araw pa lamang ng kampanyahan nitong Biyernes ay nakatanggap na ang Comelec ng ulat na may mga lugar nang nakitaan ng mga ilegal na election propaganda.
TURUAN, BINTANGAN
Anim sa natanggap nilang reklamo ay mula sa Quezon City at mayroon na ring mga reklamo mula sa Tondo, Maynila.
Aniya, isa sa nagiging problema ng Comelec ay ang pagtuturuan ng mga kandidato kung sino talaga ang nagkabit ng campaign posters sa mga ipinagbabawal na lugar.
“Ang problema nga lang d’yan, syempre, baka ‘yung mga sinisisita natin d’yan, ang sasabihin, ‘hindi, kalaban ang naglagay nyan’,” ani Jimenez.
Pinayuhan naman ni Jimenez ang mga kandidato na kung may makitang poster na lumalabag sa patakaran ay kusa na itong baklasin, kahit pa sila ang makikinabang dito.
“Kung kandidato ka at may nakita kang poster mo na lumalabag sa mga patakarang ito, kusa mong baklasin.
Napakaipokrito lang kasi na sasabihin mong sinasabotahe ka tapos pakikinabangan mo naman,” dagdag pa ni Jimenez.
“Lalo na kapag SK candidate ka, ‘di ba? Tinuringan pa namang ‘idealistic’ ang kabataan, tapos ikaw pa ang lalabag sa mga patakaran.”
SINO’NG DAPAT IBOTO?
Kasabay nito, hinimok ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mga botante na pag-aralang mabuti ang mga ibobotong kandidato, na mamumuno sa kani-kanilang komunidad.
“Paalaala lang po sa lahat ng botante ng SK at barangay officials. Tingnan at pag-aralan po nila, una, track records ng mga kandidato, ikalawa ang competency. Kakayahan na mamahala. Ikatlo, ang moral ascendancy, marangal at mabuti ba buhay nila? At higit sa lahat, huwag ibenta ang boto,” sinabi ni Bagaforo sa panayam sa kanya ng Radio Veritas.
Samantala, hinimok naman ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman of Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, ang mga botante na magkaroon ng malasakit sa kapwa at sa mismong komunidad.
MALASAKIT SA KOMUNIDAD
“Nawawala ang tunay na salita ng ginagamit natin, tulungan dapat ang nakikita d’yan sa barangay level. Lalung-lalo na dahil magkakakilala ang mga tao. Dapat ay mas maging maalab ang damayan at malaki ang malasakit natin sa kababayan natin. Huwag tayong magpagamit sa hindi magandang pulitika,” ani Mallari.
“Dagdagan natin ang dasal, unang-una bantayan ang boto natin. Nawa makapag-organize, kasama ang PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting ) sa barangay level natin. Para sama-sama nating pagtulungan na ang pagkakaroon ng patas, maayos at talagang walang violence na mangyayari sa ating mga barangay,” sabi pa ni Mallari.