Ni Bella Gamotea
Nanindigan kahapon si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na mananatili siya sa kanyang puwesto.
Ito ay bilang tugon sa isang artikulo na kinapapalooban ng liham ng career diplomats, na humihiling umano na magbitiw siya bilang kalihim.
“Kapakanan ng mamamayang Pilipino ang mananaig para ipagpatuloy ang gawain at pananatili sa panunungkulan sa isang ahensiya ng gobyerno,” diin ni Cayetano nang dumalo sa isang pulong balitaan.
Aniya, bukas siya sa anumang kritisismo ngunit aminadong maaapektuhan sila kung may mga kumakalat na maling balita.
“Hindi na kailangan ang sulat para ako ay paalisin o patalsikin sa ahensiyang ito,” sabi ng kalihim.
Ayon pa kay Cayetano, kahit lima lamang kawani ang pumunta sa kanyang tanggapan at magsasabing hindi gusto ang kanyang trabaho sa DFA, agad siyang tutugon at handang mag-impake.
Iniutos din nito sa mga kawani ng ahenisya na huwag pumirma sa anumang sulat ng sinumang indibiduwal o grupong mananawagan ng pagsuporta para sa kanya.