Ni MARY ANN SANTIAGO, ulat ni Bella Gamotea

Mahigit 7,000 lugar sa bansa ang kabilang sa election hotspots na masusing binabantayan ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, may kabuuang 7,638 ang naitalang election hotspots: 2,071 ang nasa ilalim ng yellow color, 4,970 ang orange color, habang 597 ang red color.

Ang nasabing mga kulay ay kumakatawan sa color coding na sistema sa pagtukoy sa mga lugar na kailangang bantayan ngayong eleksiyon dahil sa usaping pang-seguridad: pula kung kritikal ang sitwasyong pangseguridad, dilaw kung nakapagtala na ng political violence, at orange kung may presensiya ng armadong grupo.

National

Sen. Bato, bumati kay FPRRD: 'Huwag siyang sumuko sa laban'

Sa 597 lugar na may red color, 438 ang mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nasa 60 lugar naman sa Bicol ang saklaw ng red color, 40 sa Region 12, at 11 sa Region 8.

WALANG HOLDOVER CAPACITY

Kasabay nito, binalaan ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang incumbent local officials at mga pulitiko na nagpaplanong manggulo sa eleksiyon sa Mayo 14 sa pagtatangkang manatili sa posisyon.

Partikular na binalaan ni Guanzon ang mga lokal na opisyal sa ARMM, at sa Abra at Masbate, kung saan madalas makapagtala ng election-related violence.

“Isang importanteng paalala lang po sa mga pulitiko, kung sa akala ninyo guguluhin n’yo ‘yong barangay elections d’yan sa bayan o sa barangay n’yo para mag-declare kami ng failure of elections, wala po kayong holdover,” sinabi ni Guanzon, sa panayam sa radyo.

Aniya, sa halip na magdeklara ng failure of elections ay hihilingin na lamang ng Comelec kay Pangulong Rodrigo Duterte, o sa Department of Interior and Local Government (DILG) na magtalaga ng mga bagong opisyal sa mga naturang barangay.

FULL ALERT STATUS

Upang matiyak na payapa ang halalan, inilagay sa “full alert status” ang lahat ng pulisya sa Metro Manila para magbigay ng seguridad sa eleksiyon, at siniguro ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Camilo Cascolan na pinaigting na nila ang kampanya kontra kriminalidad.

Sa datos ng NCRPO Regional Election Monitoring and Action Center, simula nitong Abril 14 hanggang Mayo 2 ay umabot na sa 2,610 Comelec checkpoints ang ipinatupad sa buong Metro Manila, at 219 ang inaresto sa paglabag sa Omnibus Election Code, 90 baril ang nakumpiska, kasama ang apat na granada, limang baril-barilan, 117 patalim, at 359 na bala.