TAPOS na ang matagal na paghihintay sa Citizen Jake dahil ipalalabas na ito sa mga sinehan sa buong bansa simula May 23.

Atom at Max

Ito ay kinumpirma ng mismong direktor/producer ng pelikula na si Mike de Leon, matapos ang ilang meeting sa Solar Pictures nitong nakaraang ilang linggo.

Sa pamamagitan ng Facebook page ng Citizen Jake, ipinarating ni Direk Mike ang kanyang mensahe sa publiko na suportahan ang pelikula. Ipinahayag niyang base ang istorya sa mga nangyayari ngayon, at dapat ay mapanood sa orihinal na bersiyon. Bagamat inamin ni Direk Mike na hindi perpekto ang kanyang obra, hindi matatawaran ang pagiging matapat nito.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“It is a good honest film that is seeking an audience that I am convinced is out there. May you allow me to ask for your support?” sabi ni Direk Mike.

Hindi ito ang unang pagkakataon na Solar Pictures na magdi-distribute ng pelikulang idinirek ni Mike de Leon. Matatandaan na ang Solar din ang distributor ng huling pelikula niyang Bayaning Third World na ipinalabas noong 2000. Natutuwa si Wilson Tieng, presidente at CEO ng Solar Entertainment, na muling makatrabaho si Direk Mike.

“We are so excited to be working again with director Mike de Leon,” ani Wilson. “The unconventional storytelling of Citizen Jake is something we would like to offer the audience. The story is also relevant todayand we hope this will drive moviegoers to watch this May 23.”

Ang Citizen Jake ay kuwento tungkol kay Jake Herrera, isang mamamahayag na nalayo sa amang senador. Nais patunayan ni Jake na hindi siya katulad ng kanyang amang isang trapo (traditional politican) kaya pinili niyang maging mamamayahag at tumira sa Baguio habang nagtuturo sa isang unibersidad doon.

Nasangkot si Jake sa imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa isang babaeng estudyante, at masasagupa ang mga bagay at taong hahamon sa kanyang prinsipyo.

Si Atom Araullo, na mamamahayag sa totoong buhay, ang gumaganap bilang Jake Herrera. Kasama ni Atom sa cast sina Cherie Gil, Dina Bonnevie, Nonie Buencamino, Adrian “Luis” Alandy, Gabby Eigenmann, Max Collins, Teroy Guzman, Lou Veloso, at Richard Quan. Mayroong special roles sina Victor Neri, Allan Paule, Anna Luna, Elora Españo, Cholo Barretto, Raquel Villavicencio, Nanding Josef at Ruby Ruiz.

Ang script ay isinulat nina Mike de Leon, Atom Araullo at Noel Pascual.

Ang Citizen Jake ay Rated 13 without cuts ng MTRCB.