Ni Aaron Recuenco

Sinagip ng pulisya ang tatlong magkakapatid na menor de edad mula sa 63-anyos nilang ama na ginagamit silang courier ng ilegal na droga, kasunod ng drug bust sa bayan ng Busuanga sa Palawan. 

Sinabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B, na nailipat na ang kustodiya sa magkakapatid—na 12 anyos ang pinakabata—sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ayon kay Tolentino, nakapiit na sa himpilan ng pulisya sa Coron ang suspek na si alyas “Immam”, residente ng Sitio Kiwit sa Barangay Sagrada, Busuanga.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Sinabi ni Tolentino na sinalakay ng mga pulis at sundalo ang bahay ng suspek na humantong sa pagkakadakip sa tatlong anak nito, bandang 2:00 ng hapon nitong Lunes.

“The children were being used to deliver the suspected shabu when they were apprehended by the operating team,” ani Tolentino.

Sinimulan na ang imbestigasyon upang matukoy kung gaano na katagal na pinagde-deliver ni Immam ng droga ang kanyang mga anak, at alamin na rin kung sinu-sino ang kanyang mga kliyente.

Nasamsam umano sa operasyon ang 31 malalaking heat-sealed transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu, dalawang P1,000 na marked money, P37,000 cash, drug paraphernalia, siyam na rounds ng mga bala, at mga personal na gamit.