PNA

HABANG ang ilang volunteer group ang nagsusulong sa mga probisyon ng mga gadget at teknolohiya upang mapahusay ang kalidad ng edukasyon sa mahihirap na lugar, isinusulong naman ng Bohemian coffee artist na si Renato Tuzon ang pagtuturo ng sining, partikular ang pagpipinta, upang mahasa ang kakayahan ng mga estudyante na makatutulong sa mga ito na manguna sa larangan ng akademiko.

Sa panayam sa Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Tuzon: “Sa pagpipinta maraming qualities na made-develop sa kabataan na kakailanganin nila para magtagumpay sa pag-aaral.”

Ayon kay Tuzon, ang pagpipinta ay lumilinang sa mga mag-aaral— mahalagang kakayanan na nakatutulong sa mga estudyante na maintindihan ang kanilang lessons sa lohikal na paraan.

“Halimbawa, pagpintahin mo ang mga bata ng bola. Makikita hindi lahat gagawing bilog ‘yan... Bakit? Paano ko napisa ang bola?” sabi niya.

Ang pananaw ng mga estudyante sa mga bagay at paksa ay mahahasa sa pamamagitan ng reasoning, dagdag niya.

Sinabi ni Tuzon na nagiging malikhain at nakatutulong din sa interpersonal skills ng bawat indibiduwal ang pagpipinta. Ito, aniya, ay mahalaga kapag ang mga estudyante ay may tinatapos na group project o gawain bilang requirement sa pagpasa sa subject.

Nagdesisyon si Tuzon na itatag ang Sining Karaban noong Setyembre 15, 2015, Ito ay isang grupo ng visual artists na naglalayong tulungan ang mga bata na pahalagahan ng art education.

“Sa advocacy ko, kasama na din ang feeding program sa mga depressed areas dahil ang bata hindi makakapagpinta kapag gutom,” sabi niya.

Ayon kay Tuzon, nagsasagawa rin siya ng mga workshop sa mga pampribadong paaralan kung saan naniningil siya sa bawat sesyon.

“Ang kinikita ko sa ganun, ibinibili ko din ng mga art materials at pagkain para sa mga mahihirap na bata na naaabot ng Sining Karaban. Kasi ang art para sa akin ay sharing, dapat ibahagi mo sa ibang tao ang skill ang blessing na ibinigay sayo,” dagdag niya.

Si Tuzon ay isang artist na gumagamit ng multi-media sa kanyang obra. Sa pagsisimula niya bilang pintor, gumagamit siya ng uling, water color, at oil pastel.

Nagkaroon siya ng unang solo exhibition noong 1997 na tinawag na Anghel, na idinaos sa 70’s Bistro and Art Space sa Anonas Avenue sa Quezon City.