PINAGHARIAN ni Mark Louie Velasco ang katatapos na 2018 West Crame Chess Club Rapid Tournament na ginanap sa Barangay Hall ng West Crame, San Juan City.
Si Velasco, na pambato ng Chess Training Group na nasa pangangalaga ni National Master (NM) Ali Branzuela, ay nakalikom ng 4.5 puntos sa limang laro para makopo ang gold medal.
Nakaipon naman si dating Technological Institute of the Philippines top player at Dubai, UAE champion Gilbert Taopa ng 4.0 puntos para maiuwi ang silver medal, habang nakapagkamada naman ang nakakatanda niyang kapatid na si Ronnie ng 3.5 puntos para tangapin ang bronze medal.
Pinangunahan nina SSS top player Dioniver “Bobot” Medrano, West Crame Chess Club President Dante Bajaro at West Crame Chess Club Vice-President Mauro Supil Jr. ang nagbigay ng award sa top three finishers sa event na layuning makatuklas ng bagong talento sa grassroots level, pagkakaroon ng camaraderie sa mga chess player at makaiwas sa masasamang bisyo.
Naging panauhing tagapagsalita sa torneo sina 1999 Asian Inter-Collegiate co-champion National Master Romeo Alcodia at chess wiz kid Angelo Gabriel Benipayo.
Ang mga nakapasok sa Top 10 ay sina 4th place Orlando Malong, 5th place Dante Bajaro, 6th place Dioniver “Bobot” Medrano, 7th place Rodrigo Dantes, 8th place Damron Pangsar, 9th place Jun Baun at 10th place Jerome Alcodia.