Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na iniutos niya ang pagpatuloy sa peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) dahil obligasyon niyang tiyakin na maging isang mapayapang bansa ang Pilipinas.
Ito ang ipinahayag ni Duterte sa kanyang pagtatalumpati sa 4th annual convention ng National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) sa Legazpi City, Albay nitong Sabado.
Sa kanyang talumpati, hiniling ng Chief Executive sa mga puwersa ng gobyerno ang pang-unawa at ipinaalala sa kanila ang mandato niya bilang Pangulo na tiyaking mapayapa ang bansa.
“I’m talking to [CPP Chairman Joma] Sison now. It’s an off and on thing. Probably, ang mga military pati mga pulis may misgivings, but sinabi ko naman sa inyo, I am not a President who is a soldier and I am not a President who is a policeman,” ani Duterte.
“My duty, my fundamental basic duty, is to see to it that the country is peaceful,” dagdag niya.
Idiniin ni Duterte na binigyan niya ng 60 araw ang panibagong pagsisikap para sa kapayapaan, at hinimok ang mga komunistang rebelde na samantalahin ang ibinigay na panahon.
“Take advantage of that 60 days. If it succeeds, then I would like to thank God una, and the Filipino people and the military and the police and -- for their understanding,” aniya.
“Eh wala akong magawa eh, I have to seek peace that is to be sought,” dagdag niya.
Idiniin niya na sa pagkakataong ito, kailangang magbalik sa Pilipinas si Sison dahil ito ang bansang pinaglalabanan ng gobyerno at ng mga rebelde.
Tiniyak niya sa mga miyembro ng guerilla front na sila ay itatrato nang maayos ng mga pulis at militar.
“Ako magbigay ng pamasahe, I will pay all your billeting and pagkain,” ani Duterte.
“Kayong mga guerilla front, you stay in one place, mag-kampo na kayo. Dalhin ninyo ‘yung baril diyan sa loob ng kampo ninyo, you [seek] to tell us where you are, you can go out of the camp, minus the arms,” dagdag niya.
“But I will give you the complete freedom to move. Wala akong molestiyahin. I will order the military and the police to be nice to you,” patuloy niya.
Ipinahinto ni Pangulong Duterte ang peace talks sa mga komunista noong Nobyembre 2017, dahil sa umano’y mga paglabag sa ceasefire at kawalan ng sensiridad sa mga negosasyon. Sinabi ri niya na nais ng CPP-NPA-NDF ng coalition government, isang bagay na hindi niya mapagbibigyan.