Ni Celo Lagmay
TOTOO na ang paalaala ay gamot sa taong nakalilimot. Ang kawikaang ito ang naging sandigan ng aking maikling inspirational talk sa Parents and Teachers Association (PTA) sa isang paaralan. Naging bahagi rin ng naturang pagtitipon ang mga mag-aaral na nakatakdang magtapos sa taong ito.
Palibhasa’y isa nang octogenarian, natitiyak ko na nakatatanda ako sa kanilang lahat, lalo na sa naturang mga estudyante. Una, ipinagunita ko sa mga magulang ang kahalagahan ng pagpapalaki at pagpapaaral sa kanilang mga anak. Hindi biro ang kanilang pagpapakasakit upang matiyak lamang na ang lahat ng pangangailangan ng kanilang mga supling ay matutugunan sa lahat ng pagkakataon. Ang ganitong misyon ang laging nakaatang sa huwarang mga haligi ng tahanan.
Totoo na ang ganitong makatuturang mga obligasyon ay nakakaligtaang gampanan ng ilang magulang, lalo na iyong mga manhid at pabaya sa kanilang mga pananagutan; hindi alintana kung ang kanilang mga anak ay katulad ng ilan sa kanila na nalululong sa masama at mapanganib na mga bisyo na tulad ng illegal drugs. Ang ganitong mga magulang ay walang karapatang maghintay ng paggalang ng kanilang mga supling. Hindi na bago sa atin, halimbawa, ang mga ulat na niyuyurakan ng ilang magulang ang karangalan ng kanilang sariling laman?
Isang makabuluhang paalala ang iniukol ko sa ating naroroong mga guro. Tahasan kong binigyang-diin na sila ang pangalawang ina ng kanilang mga tinuturuan; sila ang epektibong katuwang ng mga magulang sa paghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral. Hindi lamang mga asignatura ang ikinikintal ng mga guro sa utak ng kanilang mga estudyante. Higit sa lahat, iminulat nila ang mga kabataan sa tunay na diwa ng mabuting mga pag-uugali o good manners and right conduct – isang aralin na bihirang matunghayan sa mga tahanan.
Totoo rin, kung sabagay, na may mga palalong mga guro na walang karapatang maging patnubay ng matitinong mag-aaral. Sinariwa ko sa isipan ng mga dumalo sa naturang pagtitipon ang mga pagmamalabis ng ilang guro sa kanilang mga estudyante. Hindi iilan sa kanila ang sinampahan ng asuntong sexual harassment at iba pang krimen. Kasumpa-sumpa ang gayong mga guro.
Naiiba ang aking paalala sa kaharap kong mga estudyante – at maging sa iba pang mag-aaral – na natitiyak kong may matinding hangarin magtamo pa ng higit na mataas na edukasyon. Huwag nilang haluan ng pagwawalang-bahala ang pagsisikap ng kanilang mga magulang at mga guro na naging gabay nila sa pagtuklas ng karunungan – taliwas sa pagpapabaya ng ilang mag-aaral na nalulong sa masasamang bisyo.
Sa ating mga magulang, guro at mga estudyante, huwag kalimutang lumingon sa likuran – sa Kanya na nagpala sa ating lahat.