PNA

HINIKAYAT ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang lokal na pamahalaan ng Pangasinan na magtayo ng dalawang economic zone sa mga lungsod na sakop ng probinsiya.

Sinabi ni PEZA Director General Charito Plaza sa mga opisyal sa lungsod at munisipalidad na kailangan magtatag ng mga economic zones, upang mahikayat ang mga dayuhan at lokal na mamumuhunan at madala ang kanilang industriya sa lokalidad.

Si Plaza ang guest of honor at speaker sa ginanap na Pangasinan economic development meeting, na dinaluhan din ng mga opisyal ng probinsiya sa pangunguna ni Governor Amado Espino III sa Pangasinan Training and Development Center noong Martes.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Plaza na maraming investors ang interesado na mamuhunan sa Pilipinas dahil sa lokasyon nito, manggagawa at panahon, kaya dapat samantalahin umano ang mga oportunidad.

Sinabi rin niya na may ilang lugar na sa probinsiya ang naideklarang economic zones tulad ng Sual, Mabini, Urdaneta City, Dasol, Umingan, San Jacinto at Dagupan City, ngunit kailangang ng PEZA na gawin itong opisyal.

“So that the identification and planning for economic zones will emanate from the LGUs,” ani Plaza.

Idinagdag din niya na bubuo ang PEZA ng economic zone map para sa buong bansa, na maaaring magamit ng mga investors sa patatayo ng negosyo.

Nabanggit din ni Plaza na isa sa mga hangarin ng PEZA ang maikalat sa bansa ang maraming investments, lalo na sa mga probinsiya, upang maihanda ang mga lokal na pamahalaan para sa federalismo.

“Wherein, in the federal system of government, only 20 percent will go to the national government budget and 70 percent to 80 percent will be retained to the localities,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi ni Plaza na kabilang sa mga industriya na maaaring itayo sa mga economic zone ay ang manufacturing, refinery, medical tourism, agro-industrial, agro-forestry, information technology parks at mga centers, na “which almost all are feasible in the province”.

“I am inviting the leaders here to visit PEZA, so we could discuss more about how to identify and establish economic zones and we will give them a tour of some economic zone areas,” sabi ni Plaza.