SIGURADO na sa playoff para sa huling Final Four berth ng men’s division ng UAAP Season 80 volleyball tournament matapos na magwagi kahapon ang University of Santo Tomas kontra Adamson University ,25-23, 21-25, 25-16, 25-17, sa penultimate day ng elimination round sa Blue Eagle Gym.

Pinangunahan ni Jayvee Sumagaysay ang nasabing panalo ng Tigers na umangat at nagtapos sa markang 6-8kasalo ng kanilang biktimang Falcons.

Humataw ang nakaraang taong PVL Reinforced Best Middle Blocker ng 10 hits, 8 blocks at 2 aces upang giyahan ang Tigers sa pagwalis sa Falcons sa eliminations.

Kasunod ni Sumagaysay, nag-ambag naman si Tyrone Carodan ng 14 puntos at sina Wewe Medina at Arnold Bautista ng tig-11 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kampo naman ng Falcons tanging sina Paolo Pablico at Philip Yude ang tumapos na may double digit sa itinala nilang 17 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod.

Hihintayin na lamang nila ang resulta ng laban ng La Salle at Far Eastern University ngayong umaga sa pagtatapos ng elimination round upang maitakda ang playoff.

Sakaling ma-upset ng Green Spikers ang Tamaraws, magkakaroon ng 3-way tie sa 6-8.

Kapag nagkataon, magba-bye ang koponang may mataas na match points habang maghaharap sa knockout match ang dalawang may mababang match points.

Ang mananalo ang makakasagupa ng koponang naka-bye para sa huling Final Four berth. - Marivic Awitan