Ni Celo Lagmay
ISA na namang nakagugulantang na pahayag ang binitawan ni Pangulong Duterte: “Dump drug dealers into the ocean.” Nakaukol naman ito kay US President Donald Trump kaugnay ng matinding problema sa ipinagbabawal na gamot na gumigiyagis sa America -- ang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.
Ang naturang pahayag ay natitiyak kong nakaangkla sa maigting na kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs, tulad ng Oplan Tokhang. Sa pagpuksa ng users, pushers at druglords, kailangang may mamatay, lalo na kung ang mga ito ay nanlalaban sa umaarestong mga alagad ng batas. Bukam-bibig ng Pangulo ang pumatay sapagkat marapat lamang na pangalagaan ang buhay ng sambayanan, lalo na ang ating mga kabataan. Laging binibigyang-diin ng Pangulo: If you destroy the youth of the land, I will kill you. Kaakibat ito ng kanyang determinasyon na hindi ititigil ang anti-drug drive hanggang hindi nalilipol ang pinakahuling sugapa sa komunidad.
Naniniwala ako na gayon din ang diwa ng mistulang utos ni Pangulong Duterte kay Pangulong Trump. Epektibo ang paraan ng pagpuksa ng mga drug traffickers kung ang mga ito ay itatapon o ihahagis sa Atlantic Ocean.
Sa sidhi ng paghanga ni Trump sa ating Pangulo, natitiyak ko na isasaalang-alang niya ang mga estratehiya na ipinatutupad sa ating bansa laban sa iba’t ibang bisyo. Katunayan, nagdudumilat kamakailan sa mga pahayagan ang pahayag ng US proxy: “We would like to follow Duterte because they have no problem in the Philippines, he just kill them.” Ang tinutukoy ni Trump ay yaong libu-libong adik na napatay kaugnay ng Oplan Tokhang.
Ito marahil ang dahilan kung bakit nais ni Trump na pairalin ang parusang kamatayan sa mga drug traffickers na sinasabing umaabot ng 2.4 milyong Kano na sugapa sa mga ilegal na droga, kabilang na ang cocaine. Gayunman, mangangailangan ng pagsusog sa umiiral na mga batas bago maipatupad ang death penalty -- isang malaking balakid upang matularan niya ang anti-drug drive ng ating Pangulo.
Maging si Moro National Liberation Front (MILF) founder Nur Misuari ay may nakakikilabot ding estratehiya laban sa mga drug dealers. Nais niyang bitayin ang mga drug traffickers sa harap ng mga mamamayan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) -- isang teritoryo na sinasabing talamak din ang illegal drugs. Ang naturang pahayag ay natitiyak kong bahagi ng pagsuporta ni Misuari sa Anti-drug campaign ng administration.
Maliwanag na nagkakaisa ng paninindigan ang nasabing mga opisyal -- Duterte, Trump at Misuari -- sa paggawad ng parusang kamatayan sa sukdulang pagkasugapa sa illegal drugs.