Ni Marivic Awitan

(Filoil Flying V Center)

8:00 n.u. -- Ateneo vs UE (M)

10:00 n.u. -- UST vs FEU (M)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

2:00 n.h. -- La Salle vs Adamson (W)

4:00 n.h. -- FEU vs UE (W)

GANAP na makamit ang top seed papasok ng Final Four round ang tatangkain ng defending women’s champion De La Salle University habang patuloy na buhayin ang pag-asa para sa pang-apat at huling slot ang asam ng Adamson sa pagtutuos nila ngayong hapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament.

Taglay ang markang 9-2, aasintahin ng Lady Spikers ang ika-10 panalo kontra Lady Falcons (5-7) na naghahabol naman sa National University Lady Bulldogs (7-6) para sa pang-apat at huling Final Four berth.

Gayunman, hindi na hawak ng Adamson ang kanilang tsansa dahil kahit pa ma-upset nila ang La Salle ngayong hapon at magwagi sila sa kanilang huling laro kontra University of Santo Tomas sa Sabado, kailangan nilang umasang matalo ang NU sa huling laro nito kontra Far Eastern University sa Linggo upang makahirit ng playoff para sa huling semifinals slot.

Magtutuos ang Lady Spikers at ang Lady Falcons sa nakatakdang unang laro sa women’s division ganap na 2:00 ng hapon bago ang huling laban sa pagitan ng FEU Lady Tamaraws at University of the East Lady Warriors ganap na 4:00 ng hapon.

Mauuna rito, magtutuos ang UST at FEU sa isang krusyal na laro sa men’s division ganap na 10:00 ng umaga pagkatapos ng unang laban sa pagitan ng Ateneo at UE ganap na 8:00 ng umaga.

Target ng Tamaraws (10-2) na pumatas sa NU sa liderato para sa hinahabol na twice-to-beat incentive sa semis habang kailangang kailangan naman ng Tigers (5-7) ng panalo para patuloy na buhayin ang tsansa sa huling Final Four slot kung saan kaagaw nila ang Falcons (6-7).

Sa unang laro, gaya ng FEU na kasalo nila ngayon sa ikalawang puwesto, sisiguruhin din ng defending men’s champion Ateneo ang panalo kontra sa winless na UE upang pumatas din sa pamumuno.

Kahit sibak na sa laban, inaasahang hindi basta -basta bibigay ang UE sa FEU lalo pa’t habol nilang pumasok sa top 2 para sa mas malaking tsansang umusad sa kampeonato.

“Hindi talaga (kami kuntento sa Final Four),” pahayag ni FEU skipper at nakaraang linggong Player of the Week na si Bernadeth Pons.

“Lalo na ako, graduating na ako and last chance ko na para makapasok ng Finals. Noong nakaraan, nakakaabot kami ng semis pero natatalo din kami. Kailangan talaga namin ‘yung advantage,” aniya.

Sisikapin naman ng tropa ni coach Air Padda na maulit ang nasabing panalo sa isang mabigat na misyon naputulin ang 6-game winning streak ng DLSU buhat sa natamong masaklap na kabiguan sa kamay ng FEU.