Ni Celo Lagmay
DAHIL sa hindi na mahahadlangang pagdaraos ng halalan ng mga Baranggay at ng Sangguniang Kabataan (SK), hindi na rin mahahadlangan ang pamamayagpag ng mga kandidato sa naturang mga eleksiyon. Maliwanag na walang kumpas ang Malacañang upang muling ipagpaliban ng Kongreso, sa ikaapat sanang pagkakataon, ang naturang halalan na matagal nang pinananabikan ng sambayanan upang pumili ng karapat-dapat na leader ng mga komunidad.
Walang dapat ipangamba ang mga baranggay officials na matitino at naging huwaran sa paglilingkod. Naniniwala ako na sapat na iyon upang sila ay maihalal at muling tangkilikin ng kanilang mga kanayon. Hindi maililingid sa ating mga kababayan kung sinu-sino ang naging pabaya sa serbisyo na naging dahilan kung bakit ang 92 porsiyento ng mga baranggay sa buong bansa ay talamak pa rin sa illegal drugs.
Nangangahulugan na halos gayon ding porsiyento ng mga opisyal ng baranggay ang maaaring sangkot sa ipinagbabawal na droga; na sila ang pasimuno at utak sa paglaganap ng mga pusher, users at ng mismong mga druglords. Sila ang kinakasangkapan at pinakikilos ng mga narco-politicians sa pag-agaw ng kapangyarihan.
Ang nabanggit na uri ng mga pulitiko ang determinadong lipulin ng Duterte administration sapagkat sila ang sinasabing dahilan ng paglason sa utak ng sambayanan, lalo na ng mga kabataan. Ang mga narco-politicians at ang hari ng droga ang magkatuwang sa pagwasak sa lipunan.
Nakapanlulumong mabatid na ang nabanggit na narco-bets sa nakatakdang halalan ay hindi maaaring hadlangan ng mismong Commission on Elections (Comelec). Ibig sabihin, kahit na sila ay positibo sa drug test, o nasangkot sa illegal drugs, hindi sila puwedeng pagbawalang kumandidato. Katunayan, sa aking pagkakatanda, ang utos ng Comelec sa mga kandidato na maglakip ng drug test result sa kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ay idineklara ng Supreme Court bilang unconstitutional. Ito marahil ang dahilan kung bakit talamak ang illegal drugs sa mga baranggay.
Sa hangaring malipol ang ipinagbabawal na mga gamot – kabilang na ang mga users, pushers at druglords – marapat na lamang paigtingin ang kampanya laban sa naturang mga bisyo; pakilusin ang Oplan Tokhang; isulong ang paghahabla sa mga baranggay officials na nasa drug list ng administrasyon; natitiyak ko na mahahadlangan ang pamamayagpag ng narco-politicians.