Ni Agence France-Presse

Kukuha ang Kuwait ng Ethiopian nationals para punan ang kakulangan ng domestic workers, sinabi ng mga awtoridad nitong Martes, kasunod ng nakapangingilabot na pagpatay sa isang Filipina maid sa Gulf state.

Pinagbawalan ng Pilipinas ang kanyang mga mamamayan na magtrabaho sa Kuwait matapos matagpuan ang bangkay ng 29- anyos na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer nitong unang bahagi ng taon, na may mga marka ng pagpapahirap.

National

Abalos, kinumpirma intensyon ni Wesley Guo na sumuko

“We aim to open the door to the recruitment of Ethiopian workers to fill the deficit of domestic servants and reduce prices,” sinabi ni General Talal Al-Maarifi, pinuno ng General Department of Residency Affairs ng Kuwait, sa AFP.

Limang taon na ang nakalipas ay nagpatupad ang Ethiopia ang kaparehong pagbabawal, kasunod ng mga ulat ng pang-aabuso at reklamo na binubuyo ng employment agencies ang kanyang mga mamamayan na magtrabaho sa ilalim ng illegal at nakapanlulumong kondisyon. Inalis ang ban nitong nakarang Huwebes.

Sinabi ni Maarifi na mayroong mahigit 15,000 Ethiopians ang kasalukuyang naninirahan sa Kuwait.

Idinetine ng Kuwaiti police noong Marso 2017 ang isang babae na kinukunan ng video ang pagkahulog ng kanyang Ethiopian maid mula sa ikapitong palapag ng isang gusali nang hindi man lamang ito tinulungan.

Ipinakikita sa 12-segundong video na nakalambitin ang maid sa labas ng gusali, at ang isang kamay ay nakakapit sa window frame, habang sumisigaw ng saklolo.

Nagpahayag ng pagkaalarma ang rights groups sa kapalaran ng mga manggagawa sa Gulf at iba pang bansang Arab, kung saan ang migrant labour ay regulated sa ilalim ng sistemang kilala bilang “kafala”.

Sa kafala o sponsorship system, nakatali ang visa ng migrant workers sa kanilang employers, at pinagbabawalan silang umalis ng bansa o magbago ng trabaho nang walang pahintulot ng kanilang dating amo.