Nina RAYMUND F. ANTONIO, BETH CAMIA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Hindi natitinag si Vice President Leni Robredo sa pagsisimula ng manual recount at revision of ballots sa mga kinukuwestiyong boto sa pagka-bise presidente noong May 9, 2016 elections.

Sinabi ni Robredo na wala siyang dapat ikatakot dahil ang pagbubukas ng mga balota ay “fight for truth”.

“So many people are looking up to us, for us to fight for them. Kaya patuloy lang tayo,” aniya sa maikling talumpati sa mga tagasuporta sa St. Scholastica’s Chapel sa Malate, Manila, kung saan dumalo siya sa misa bago ang recount.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi ni Robredo, dating Camarines Sur representative, na ang misa ay para sa paghiling niya ng “strength, guidance, and wisdom” sa pagsisimula ng Supreme Court, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ng revision proceedings.

“Wala tayong dapat ikatakot kasi katotohanan iyong ating pinaglalaban,” sabi ng dating housing chief.

Tiniyak ng legal counsel ni Robredo, sa pangunguna ng beteranong si Atty. Romulo Macalintal, na papabor kay Robredo ang recount.

“Wala pong katalo-talo, and in two months’ time, malalaman po natin ang resulta,” kumpiyansang sabi niya.

Ganap na 8:30 ng umaga kahapon, nagsimula ang manu-manong pagbibilang ng mga balota sa Supreme Court-Court of Appeals Gymnasium.

Sa pahayag ng PET, binasa ni SC Spokesman Atty. Theodore Te, sa ilalim ng Rule 65 ng 2010 PET Rules, ang revision ay limitado sa tatlong pilot provinces na tinukoy ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. – ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental. Sa kabuuan, sasakupin ng recount ang 5,418 clustered precinct mula sa tatlong lalawigan.

Ang magiging resulta ng manual recount ng tatlong pilot province ang pagbabatayan kung kakailanganin pa na muling bilangin ang nalalabing mahigit 31,000 protested clustered precinct.

Gagawin ang recount Lunes hanggang Biyernes, mula 8:30 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon.

Batay sa election results noong 2016, si Robredo ang idineklarang panalo sa vice presidential race sa 14,418,817 boto, o lamang ng 263,473 sa 14,155,344 boto na nakuha ni Marcos.

Ikinalugod ng Malacañang ang pagsisimula ng manual recount at revision of ballots sa vice presidential votes na ipinoprotesta ni Marcos.

Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra sa press briefing sa Palasyo na ang recount ay isang hakbang para maresolba ang isyu.

“Well, the Palace welcomes the recount para ma-settle na yang long-festering dispute na ‘yan,” ani Guevarra.

“This is a judicial matter. This is before the Presidential Electoral Tribunal already, so we leave it to the co-equal branch to handle them,” dugtong niya.