McCaw, ligtas sa injury; Warriors, sumundot ng panalo sa Phoenix Suns

OAKLAND, California (AP) — Naisalba ng Golden States Warriors ang malamyang simula tungo sa 117-110 panalo kontra sa nagdidilim na Phoenix Suns nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nanguna si Kevin Durant sa arangkada ng Warriors sa nakubrang 29 puntos, 11 rebounds at walong assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Warriors matapos ang tatlong kabit na kabiguan, habang naitarak ng Suns ang franchise-record 15th sunod na talo.

Nag-ambag si Draymond Green ng 13 puntos at 12 assists, habang tumipa si Klay Thompson ng 23 puntos at kumana si Quinn Cook ng 19 puntos.

Chavit Singson, pangungunahan pagpapatayo ng kauna-unahang PBA Arena?

Nakopo ng Golden State ang ika-263 panalo sa pangangasiwa ni coach Steve Kerr, sapat para makalinya sa ikatlong puwesto sa may pinakamaraming panalo sa prangkisa sunod kina Al Attles (557) at Don Nelson (422).

Bago ang laro, ipinahayag ng Warriors management ang magandang balita na ligtas sa anumang pinsala si guard Pat McCaw matapos mag-negatibo ang lahat ng medical test na isinagawa sa UC Davis Medical Center, kabilang ang x-ray, MRI at CT scan.

Sasailalim siya sa re-examined sa Huwebes.

“Just a huge relief,” pahayag ni Kerr. “Scariest thing I’ve ever experienced on a basketball floor for sure.”

Masama ang naging bagsak ni Mccaw nang ma-fouled ni Sacramento guard Vince Carter sa pagtatangkang dunk may 42 segundo ang nalalabi sa third period ng kanilang laro nitong Sabado.

CAVALIERS 98, MAVS 87

Sa Cleveland, nahila ni LeBron James ang record double-digit scoring streak sa 868 sa panalo ng Cavaliers kontra Dallas Mavericks.

Malamya ang simula ni James, binura ang record ni Michael Jordan sa NBA double double consecutive games, na nagawang umiskor ng 10 puntos may 7:59 ang nalalabi sa laro.

Nagtapos si James na may 16 puntos, 13 rebounds at 12 assists, ang ika-17 triple-double ngayong season at No. 72 sa NBA career. Nag-ambag si Jordan Clarkson ng 16 puntos.

Nanguna si Harrison Barnes sa Mavs sa naiskor na 30 puntos.

SIXERS 119, HORNETS 102

Sa Charlotte, N.C. naitala ng Philadelphia 76ers, sa kabila ng pagkawala ni All-Star Joel Embiid sa injury, ang pinakamahabang winning streak (10) mula noong 2003 nang magwagi laban sa Hornets.

Kumamada si Ben Simmons ng 20 puntos at 15 assists para sa Sixers.

“We’re having fun on the court and that’s really important for us,” sambit ni reserve guard Marco Belinelli, nanguna sa Philadelphia na may 22 puntos mula sa 9-for-10 shooting. “For sure, we miss Joel out there on defense.

But we know that everybody needs to step up and be aggressive on offense and defense and just play together.”

Nag-ambag sina J.J. Redick na may 20 puntos at Robert Covington na may 17 puntos at 11 rebounds sa Sixers.

BLAZERS 113, GRIZLIES 98

Sa Portland, Oregon, ginapi ng TrailBlazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na may 27 puntos at siyam na assists, ang Memphis Grizzlies.

Napatibay ng Trail Blazeers ang kapit para makausad sa playoff sa ikalimang sunod na season.

“It feels great to be able to get it done early this year,” sambit ni Lillard.

Nag-ambag si CJ McCollum ng 20 puntos at siyam na assists sa Portland, nanatiling No.3 sa Western Conference playoff.

Nanguna si rookie Dillon Brooks sa Memphis sa naiskor na 28 puntos.

Sa iba pang laro, nalusutan ng Denver Nuggets ang Milwaukee Bucks, 128-125, sa overtime; pinayukod ng Sacramento Kings ang Los Angeles Lakers; pinataob ng Oklahoma City Thunder ang New Orleans Pelicans, 109-104; pinadapa ng Indiana Pacers ang Los Angeles Lakers, 111-104; sinilat ng Chicago Bulls at Washington Wizards, 113- 94, pinutol ng san Antonio Spurs ang ratsada ng Houston Rockets, 100-83.