Ni Mary Ann Santiago

Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang sambayanang Pilipino na alisin na ang “bato” na nakaharang sa ating mga puso, at hayaang tuluyang makapasok dito si Hesus.

Ginawa ng Cardinal ang pahayag sa kanyang homiliya nang pamunuan ang misa para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus kahapon ng umaga sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.

Ayon sa Cardinal, gumawa ang mga tao ng malalaking bato na iniharang sa kanilang mga puso, gaya ng malaking bato na iniharang ng mga pariseo at mga chief priest sa pintuan ng libingan ni Hesus.

Eleksyon

Bilang ng mga Gen Z voters malaking porsyento nga ba sa eleksyon?

Ipinaliwanag ni Tagle na hiniling ng mga pariseo kay Pontio Pilato na payagan ang mga guwardiya na maglagay ng malaking bato sa pintuan ng libingan upang tiyaking mananatili si Hesus sa loob nito, sa pangambang magkatotoo ang Kanyang sinabi na mabubuhay Siyang muli matapos nilang ipako sa krus, kung saan Siya namatay.

“They were afraid of Jesus and his promise of rising from the dead. They put their trust in stone and guards,” ani Tagle.

Inihalintulad ni Tagle ang naturang malaking bato sa mga uri ng kasamaan, tulad ng kaarogantehan, kasakiman, kawalan ng respeto, pagkasuklam at paghihiganti sa ating mga puso, na dapat aniya nating alisin upang makapasok ang Panginoon at maghari sa ating mga buhay.

“The stones of arrogance, greed, disrespect, hatred and vengeance—we have to remove them to let Jesus in our lives,” anang Cardinal.

“The good news is God will roll the stone, not to hurt us, but to let the life of Christ come out and be our life,” dagdag pa ni Tagle.