ni Celo Lagmay
HINDI lamang pag-aresto ang dapat iutos ni Pangulong Duterte laban sa mga gumagawa, umaangkat, nagbebenta at nagrereseta ng mga pekeng gamot; kailangang sila ay maihabla sa hukuman upang magawaran ng pinakamabigat na parusa sapagkat ang kanilang ginawa ay walang pangalawa sa kasamaan.
Natitiyak ko na hindi ako nag-iisa sa gayong panggagalaiti. Maaaring higit pa ang pagpupuyos sa galit ng mga katulad kong umaasa lamang sa bisa ng gamot upang kahit paano ay humaba-haba naman ang aming buhay; pagkatapos, bigla na lamang kaming bubulagain ng ulat hinggil sa mga palsipikadong gamot.
Hindi maiiwasang itanong: Bakit ngayon lamang natuklasan ang sinasabing pagdagsa ng mga fake medicines? Hindi kaya namanhid na naman ang intelligence network ng Food and Drug Administration (FDA) na siyang may kakayahan upang suriin ang mga gamot na ipinagbibili sa mga botika? Nakalusot kaya sa ating mga security agencies, tulad ng Philippine National Police (PNP), ang gayong karumal-dumal na sistema ng pagnenegosyo? May mga nagbubulag-bulagan na naman kaya sa ganitong pagsabotahe sa ekonomiya?
Mistulang kamatayan ang katumbas ng pag-inom ng mga pekeng gamot, lalo na sa katulad namin na nasa dapit-hapon na, wika nga, ng buhay. Ilang tulog na lamang at mamamaalam na, lalo na kung hindi maaayudahan ng gamot na mabisa at angkop sa aming mga karamdaman.
Malaki rin ang epekto ng naturang mga palsipikadong gamot sa kabuhayan ng ating bansa sapagkat ang nasabing mga medisina ay hindi ipinagbabayad ng buwis; ang mga ito ay itinuturing na mga underground economy, katulad ng pagbebenta ng iba pang produkto na ipinupuslit sa Bureau of Customs (BoC) at sa mga pantalan.
Isa pa, ang gayong mga fake drugs ay nakaaapekto rin sa pambansang seguridad sapagkat pinipinsala at pinahihina ng mga ito ang kalusugan ng mga mamamayan. Sapat nang dahilan ito upang ang mga salarin o culprit ng gayong mga medisina ay papanugutin.
Dapat lamang ashan ang matinding utos ng Pangulo sa PNP upang tugisin at dakipin ang mga utak ng fake medicine; dapat ding atasan ang iba pang ahensiya na maaaring kakutsaba sa paggawa, pagbebenta at pagrereseta ng mga palsipikadong gamot. Marapat na sila ay papanagutin din sa kasong economic sabotage.