Ni Orly L. Barcala

Patay ang isang hinihinalang carnapper matapos makipagbarilan sa mga pulis, habang sumuko naman ang kasama nito sa follow-up operation sa Valenzuela City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang namatay na suspek na si Garry Vertosio, 32, alyas Gawgaw, ng No. 3072 J. B. Juan Street, Barangay Ugong ng nasabing lungsod, na nagtamo ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Arestado naman ang umano’y kasabwat ni Vertosio na si Michael Pornobre, 22, alyas Ikel, ng No.3050 Don Simon St., Mapulang Lupa, Valenzuela City.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, hinarang umano ng mga suspek si Palwinder Singh, 22, Indian, negosyante, habang sakay sa kanyang motorsiklo (for registration) sa Que Grande St., Bgy. Ugong, bandang 4:35 ng hapon.

Ayon kay Singh, tinutukan siya ng baril ng mga suspek at sapilitang tinangay ang kanyang motorsiklo.

Agad nagtungo si Singh sa Station Investigation Unit (SIU) upang isumbong ang insidente at nakilala ang mga salarin sa pamamagitan ng rouge gallery ng pulisya.

Pagsapit ng 6:30 ng gabi, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit at Detective Management Unit sa lugar ni Vertosio, ngunit sa halip na sumuko, pinaputukan umano nito ang paparating na mga pulis na pawang nakailag.

Sa pagdepensa ng awtoridad, tuluyang bumulagta si Vertosio. Kusa namang sumuko si Pornobre.

Nabawi mula sa mga suspek ang motorsiklo ng dayuhan at narekober ang isang caliber .38 revolver na kargado ng limang bala.