Ni Marivic Awitan
LIDER noon, tuliro ngayon.
Sa ganitong kapalaran nasadlak ang kampanya ng National University Lady Bulldogs nang makamit ang ikaapat na sunod na kabiguan, sa pagkakataon ito laban sa rumaratsadang University of Santo Tomas, 22-25, 25-23, 25-21, 25-9, nitong Linggo sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum.
Hataw sina Sisi Rondina at Fil-Italian Milena Alessandrini sa Tigresses parasa ikaapat na panalo sa 11 laro at makopo ang No.6 spot.
Hindi pa nakakapanalo ang NU sa second round, ngunit nanatiling pasok sa top four tangan ang 6-5 karta.
Nangunguna ang La Salle sa labanan sa Final Four tangan ang 9-2 karta, kasunod ang Ateneo (7-3) at Far Eastern University (7-4).
Kumana si Rondina ng 25 puntos at 16 digs, habang tumipa si Alessandrini ng 19 marker mula sa 11 kills, limang blocks at tatlong service aces.
“This time kasi, especially sa core ng team, and with the community, gusto namin ma-gain ulit ’yung respeto namin sa sarili namin,” sambit ni UST coach Kungfu Reyes.
“Doon sa standing naman, siyempre andiyan lang naman ‘yun, pero kung ‘di namin gagalawan, ‘di kami makakarating sa Final Four,” aniya.
Magkakaroon muna ng pahinga para sa Holy Week at umaasa si Reyes na magagamit nila ang mahabang bakasyon para mas mapatatag ang hanay sa pagharap sa Ateneo sa April 4, La Salle sa April 8 at Adamson sa April 14.
“‘Yung remaining three games para sa amin, pagtatrabuhin namin,” aniya.
Nanguna sa NU si Jaja Santiago na may 27 puntos, habang tumipa si Audrey Parad ng 11 puntos.
Tangan naman ng Adamson ang No.5 spot (5-6) matapos matalo sa Ateneo, 26-24, 19-25, 25-21, 24-26, 12-15.