Ni Beth Camia
Pinasasagot ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General (OSG) sa komentong isinumite ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa quo warranto petition na inihain laban sa kanya.
mga tagasuporta ni Chief Justice
Maria Lourdes Sereno sa harapan ng
Supreme Court sa Padre Faura Street,
Manila kahapon. Hinihiling nila na
ibasura ang quo warranto petition laban
kay Sereno.
(ALI VICOY)
Sa idinaos en banc session kahapon, tinalakay ang quo warranto petition na humihiling na mapawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang punong mahistrado.
Binigyan ng Korte Suprema ang OSG ng limang araw para magsumite ng kasagutan.
Para kay Calida, bumagsak si Sereno sa sukatan ng integridad na pangunahing hinihingi ng Konstitusyon para sa mauupong miyembro ng hudikatura nang mabigo itong maghain ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN), na isa sa mga rekisito na itinakda ng Judicial and Bar Council para sa mga kandidato sa pagka-punong mahistrado noong 2012.
Lumitaw sa pagdinig ng House Justice Committee na tatlong SALN lamang ang naihain ni Sereno kahit siya ay matagal na nagtatrabaho sa gobyerno bilang propesor sa University of the Philippines College of Law.
Iginiit ni Sereno sa kanyang komento na sa ilalim ng Section 2, Article XI ng 1987 Constitution, ang mga impeachable official, kabilang na ang mga miyembro ng Korte Suprema, ay maaari lang patalsikin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Bukod sa taliwas sa Saligang Batas, tinukoy pa ng punong mahistrado na paso na ang panahon para isulong ang quo warranto petition.
Kaugnay nito, nagmamadali ang kampo ni Sereno na iakyat ang Articles of Impeachment sa Senado, na magsisilbing impeachment court.
Ayon kay Atty. Josa Deinla, spokesperson ni Sereno, sa pamamagitan ng impeachment trial ay malalaman na ang katotohanan.
Sinabi nito na simula nang mag-indefinite leave ang chief justice ay nasa advanced stage of preparation na sila para sa impeachment trial kung saan ay kanyang ipagtatanggol ang sarili laban sa mga akusasyong hindi naman maituturing na impeachable offense dahil ang ilan sa mga ito ay lumang isyu na at matagal nang naresolba.