Ni Celo Lagmay
Palibhasa’y bantad na sa sunud-sunod na sunog na nagaganap sa iba’t ibang sulok ng bansa, labis akong nangilabot sa kamatayan ng isang pamilya nang matupok ang kanilang bahay sa Cagayan de Oro City kamakailan; kaakibat ito ng milyun-milyong pisong halaga ng pinsala sa mga ari-arian at mga proyekto na nagiging dahilan ng pagkalumpo ng mga kaunlarang pangkabuhayan.
Ang ganitong malagim na sunog ay totoong isang malaking kabalintunaan, lalo na kung iisipin na nasa kasagsagan ang pagdiriwang natin ng Fire Prevention Month. Tila pinagtitiyap ng panahon na kung kailan pa tayo dapat mag-ingat ay lalo pa yatang dumadalas ang sunog.
Kung minsan, ibig kong maniwala na may lohika ang pagbibiro ng isang kapatid sa pamamahayag: Sinusunog ang isang bahay, gusali at iba pang establisimyento, lalo na kung ang mga ito ay nakasiguro upang makakolekta ng insurance; sinusunog ang pamayanan ng mga squatter upang pagtayuan ng negosyo na tulad ng mga mall. Ang masamang gawaing ito ay hindi katanggap-tanggap sa sinuman sapagkat ito ay produkto ng kabuktutan ng mga kampon ng kadiliman.
Sa kabila ng gayong mga haka-haka, naniniwala ako na walang dapat sisihin sa nagaganap na sunog. Katulad ito ng iba pang pangyayari na bigla na lamang tayong binubulaga. Walang sinumang gustong masunugan sapagkat laging nakakintal sa ating utak ang kawikaang “nakawan ka na ng maraming ulit, huwag ka lamang masunugan.” Ibig sabihin, hindi mauubos ang kayamanan kahit paulit-ulit pagnakawan; subalit kapag nasunugan, naaabo ang lahat ng ari-arian.
Biglang sumagi sa aking gunita ang pagkasunog ng aming bahay, maraming dekada na ang nakalipas. Maliban sa ararong bakal at imbakan ng tubig na yari sa yero, naabong lahat ang aming ari-arian. Maaaring mahirap paniwalaan, at hindi tayo nagpapaawa, subalit hanggang ngayon ay wala kaming sariling tahanan; nakikipanirahan na lamang. Bahagi na lamang ng kasaysayan ang iba pang pangyayari.
Sa kabila ng ganitong mga eksena at pananaw, marapat na tayong lahat ay maging maingat; palaging suriin ang mga electrical insulation sa mga bahay; iwasan ang ‘jumper’ sa paghahangad na makatipid sa pagbabayad ng kuryente.
Kasabay nito ang laging pagpapaalala ng Bureau of Fire Protection (BFP) at ng iba pang ahensiya hinggil sa ibayong pag-iingat sa sunog. Ang kambal na misyong ito ng sambayanan at ng naturang mga ahensiya ay natitiyak kong mangangahulugan ng kaligtasan ng mga buhay at ari-arian.