Low maintenance lang naman maging kulot, puwede na ‘yang hindi suklayin.
Isa ito sa mga paniniwalang mariing tinututulan ng mga taong may natural na kulot dahil ayon sa mga propesyunal na hairstylists, ang pagkakaroon ng ganitong buhok ay makokonsiderang “high maintenance” dahil kinakailangan nito ng mabusising pagkalinga.
Kaya para sa mga may natural na kulot at naghahanap ng mga paraan upang maalagaan ito, narito ang ilang hair care tips para sa “manageable and effortless curls” na hair goals ng marami:
Tamang pagsusuklay sa buhok
Ayon sa ilang hairstylists, mahalagang tandaan na ang mga kulot ay magiging buhaghag kapag sinuklay ito ng tuyo.
Kaya ang “best time” para gawin ito ay tuwing basa ang buhok, dahil dito rin mainam tanggalin ang mga buhol at lagas na hibla ng kulot gamit ang mga daliri o suklay na may malalaking ngipin.
Ani pa ng hairstylists, kahit na basa ang buhok, importanteng suklayin ito nang marahan upang hindi masira ang natural curl pattern nito.
Gumamit ng satin o silk na punda ng unan
Ayon sa ilang pag-aaral, ang friction ng buhok ay nagdudulot ng pagkabuhaghag, kaya mainam na investment ang pundang gawa sa satin o silk dahil mas “curly hair-friendly” ito kumpara sa ilan pang materyal tulad ng cotton, na kadalasang gamit ng marami.
Ingredients na dapat iwasan sa pagbili ng hair care products
Parte ng pagiging “high maintenance” ng kulot na buhok ay ang pagiging sensitibo nito sa ilang nilalaman ng mga produkto.
Kaya ilan sa mga ipinapayong dapat iwasan ay ang “sulfates” na kalimitang ginagamit upang linisin ang buhok, ngunit ito rin ay nagdudulot ng pagkatuyo ng buhok, lalo na kung araw-araw itong ginagamit.
Isa pa ay ang “silicones” na kadalasang nakikita sa conditioners at curl creams na nagsisilbing “protective barrier” ng buhok, ngunit nagiging dulot rin ng “product build up” kapag hindi maayos nabanlawan kasama ang matatapang na shampoo.
Mag-ingat sa hair heat tools
Dahil sa pagiging marupok, ang kulot na buhok ay madaling masira sa palagiang paggamit ng heating tools tulad ng blow dryers, straighteners, at curling irons.
Kaya ipinapayo ng hairstylists na hangga’t maaari, iwasang gamitan ng heating tools ang mga kulot upang mapanatili ang pagiging malusog nito.
Chemical treatments
Isa pa sa mga banta sa mga kulot na buhok ay ang chemical treatments na kadalasang ginagawa sa salon tulad ng relaxers, keratin treatments, at bleaching, dahil posibleng magdulot ng permanenteng sira ang mga ito sa buhok.
Upang maremedyuhan ang mga sirang ito, ang tangi lamang nakikitang paraan ay pahabain ang natural na mga kulot at gupitin ang mga nasirang hibla.
Sa kabila ng tips na ito sa mga dapat gawin at iwasan, tandaan na ang pag-aalaga ng buhok ay nagsisimula sa pag-intindi ng mga pangangailangan nito.
Bukod pa rito, ang bawat investment sa buhok o anumang parte ng katawan ay hindi sayang dahil isa rin itong paraan upang alagaan ang sarili.