AGAD nabighani ang sambayanan sa Bagani, ang pinakabagong fantaserye ng ABS-CBN na pinagbibidahan nina Liza Soberano, Matteo Guidicelli, Sofia Andres, Makisig Morales, at Enrique Gil. Nanguna sa national TV ratings game ang pilot episode nito nitong Lunes ng gabi.
Pumalo ang Bagani sa TV rating na 35.5% nationwide, higit sa doble sa 15.4 na ng katapat nitong Kambal Karibal, ayon sa data ng Kantar Media.
Bukod sa ratings, pumatok din agad ang serye sa social media dahil napasama sa listahan ng worldwide trending topics sa Twitter ang official hashtag nitong #UnangSabakngBagani.
Todo papuri ang fans sa production value ng palabas at ikinumpara pa ito sa kinagigiliwang foreign series na Star Wars at Game of Thrones.
Para kay Twitter user @lizquenchannel, “Naalala ko ang Tatooine sa set ng Bagani. Seryoso, mula maliliit na detalye, costume, lahat! Ito ang nagpapalakas sa seryeng ito! #UnangSabakNgBagani.”
“Game of Thrones + Clash/Wrath of the Titans + Vikings + Apocalypto + ‘yung usual na ‘inapi pero marangal’ na istorya = Bagani. #UnangSabakNgBagani,” ayon kay @danthology.
“Mula sa set design, cinematography, VFX, napabilib agad ako nitong fantaserye na ito. Congrats sa pilot episode #UnangSabakNgBagani,” komento ni @seunghoonized.
Ipinakilala na sa pilot episode ang iba’t ibang rehiyon na bumubuo sa Sansinukob at nasaksihan na rin ng manonood ang kuwento at pamilya ng Bagani na si Lakas (Enrique).
Sa susunod na episodes, susundan ang istorya ng iba pang mga Bagani na sina Ganda (Liza), Lakam (Matteo), Dumakulem (Makisig), at Mayari (Sofia) na katulad ni Lakas ay nagtataglay din ng natatanging kakayahan at may mabuting puso na handang isakripisyo ang sarili para sa iba.
Huwag palampasin ang Bagani pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa nakaraang episodes ng programa, mag-log on lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers. Para sa karagdagang updates, i-follow ang @starcreatives sa Facebook, Twitter, at Instagram.