Ni ANNIE ABAD

OROQUIETA CITY- Agad na nagpakitang gilas ang mga pambato ng Sto. Tomas Davao del Norte matapos sumungkit ng dalawang gintong medalya kahapon sa athletics event ng Batang Pinoy Mindanao leg sa Misamis Occidental Provincial Athletics Complex (MOPAC) dito.

Nakuha ni Aaron Gumban ang unang ginto nang manguna sa 5000m run sa boys 13-15 category sa tyempong 17.49 segundo kasunod ang pambato ng South cotabato na si Mark Rennel Hubag na tumapos ng silver sa 17.59 habang bronze si Nikos Mampaundag ng Davao del Norte sa kanyang 18.17.

“Masaya po ako kasi first time ko pong sumali. Hindi pa po ako nakakarating sa Baguio, kami pong magkakapatid. kaya po pinilit kong manalo kasi gusto kong makarating sa Baguio sa national finals,” pahayag ng 13-anyos at kasalukuyang nasa grade 7 sa Sto. Tomas National High School.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Panganay sa tatlong magkakapatid at anak ng isang domestic helper sa Dubai at ang kanyang ama naman ay nagbabantay ng container ng mga saging sa pier. Sila ang naging inspirasyon ni Gumban upang maitala ang kanyang tagumpay.

“Para po sa mga magulang ko ito. Para makatulong po sa kanila. kasi po gustong gusto na pong umuwi ng nanay ko tapos si tatay gusto ko po siyang tulungan” ayon pa sa batang si Gumban na siya ring kampeon sa Mindanao leg ng Milo Marathon noong 2017.

Kasalukuyan naman sumasabak muli ngayon si 1,500m run at 2000 steeplechase, kung saan muli niyang tatangkain na makuha ang gintong medalya para s atyarget na triple gold.

Nakopo ng Sto Tomas Davao del Norte ang ikalawang ginto sa pamamagitan ni Adriane Hanz Taporco, para sa shot put 13-15 boys category.

Naihagis ni Taporco ang bolang bakal sa layong 11.51 metro sa ikalawang pagtatangka. Tumapos naman ng pilak ang pambato ng General Santos City na si Khryss Rae Baraman sa 10.86 at bronze naman ang naiuwi ng Sindangan Zamboanga City sa pamamagitan ni Renante Catayas na tumapos ng 10.71.

Hindi naman nagpahuli ang Cagayan de Oro nang ilista ni Jivie Magnetico ang unang ginto sa long jump sa 13-15 boys sa kanyang 6.38 metro na naitala, habang silver naman ang nakuha ni Peterson Laparan ng Misamis Occidental sa 6.26 na pagtatapos at bronze medal naman ang sa General Santos city sa pamamagitan ni Fel Brian Britanico sa 6.19 na pagtatapos.

Sa swimming nanaig si Leano Vince Dalman ng Dipolog City sa 200m Individual Medley ng boys 12-under sa kanyang 2:37.84. Nabura ni Dalman ang kanyang best time na 2:45.00.

Pumangalawa naman si Emmanuelle Banares ng Bukidnon Province para silver sa kanyang tinapos na 2:46.36 segundo at bronze naman ang nakuha ni Yuan Gabriel Taojo ng Davao del Norte sa 2:57.22 sa orasan.

Sa girls 12-under ng 200m Individual medley din ay si Danielle Filoteo naman ang nag reyna sa kanyang naitalang 3:02.59 segundo sa orasan para sa ginto kasunod si Almarie Battad ng Davao del Norte sa 3:04.53 para sa silver at si LA Rynne Paradero naman ang nakakuha ng bronze sa 3:04.75.