Ni Clemen Bautista

KUNG ang Pebrero ay tinatawag na love month o Buwan ng Pag-ibig, ang mainit at maalinsangang Marso, bukod sa Fire Prevention Month o Buwan ng pag-iingat sa sunog, ay tinatawag ding Buwan ng Kababaihan. Hindi lamang sa iniibig nating Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bansa sa daigdig. At pagsapit ng ika-8 ng Marso, masaya at makahulugang ipinagdiriwang ang “International Women’s Day” o Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Ang iniibig nating Pilipinas ay isa sa mga bansa na nakikiisa sa natatanging pagdiriwang, pagpupugay at pagkilala sa mga kababaihan. Sa mga bayan at lalawigan, may mga programang inilulunsad bilang pakikiisa sa pagpapahalaga sa mga kababaihan.

Ang Buwan ng Kababaihan ay isang magandang pagkakataon na mabigyan ng pagkilala ang mga Pilipina sapagkat malayo na ang kanilang narating, mga nagawa at naiambag o kontribusyon at naitulong sa pag-aangat ng kanilang kalagayan sa ating lipunan. Sa iniibig nating Pilipinas, halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga kababaihan na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, pamayanan at mga kababayan.

Ang mga babaing naging Pangulo ng Pilipinas sa kanilang panahon ay laging nanguna sa pagdiriwang at pagpapahalaga sa mga kababaihan. Isang positibong pananaw bilang pagpupugay sa kahalagahan at karapatan ng mga kababaihan. Ang GABRIELA, na isang militanteng grupo na nagtatanggol sa mga kababaihan ay hindi nakalilimot na bigyan ng pagpapahalaga ang mga kababaihan kapag sumasapit ang “International Women’s Day”. Ang mahalagang araw para sa kababaihan ay isang magandang pagkakataon na inihihingi nila ng katarungan at kinokondena ang dinaranas na pang-aabuso at pang-aapi sa mga kababaihan.

Ang observance o paggunita ng “International Women’s Day” ay bunga ng pag-oorganisa ng mga gawain ng kababaihan noong ika-20 siglo. Sa pagitan ng 1909 at 1911, ang mga kababaihang manggagawa sa America ay lumahok sa demonstrasyon ng “National Women’s Trade Union League” at iba pang concerned group o nagmamalasakit na pangkat.

Ang demonstrasyon ay nag-ugat sa trahedya ng sunog noong Marso 25,1911 sa “Triangle Shirwaist factory sa New York, USA. Dito’y umaabot sa mahigit na 140 mga babaeng manggagawa ang namatay. Ang naganap na sunog ay naging isang malinaw na salamin ng hindi makataong kalagayan sa paggawa ng iba pang “unfair labor practice” na nararanasan ng mga kababaihang manggagawa.

Ang “Socialized Women International” sa Europa at si Clara Zetkin ay hiniling na ang ika-8 ng Marso ang maging “Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan”. Ipinagdiriwang ang araw na ito ng bawat taon upang gunitain ang mga kababaihang manggagawa na namatay sa sunog sa NewYork.

Ang “Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan”ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910 bilang pagkilala sa pakikipaglaban ng mga karapatan ng kababaihan. Sa kahilingang ito ni Clara Zetkin, isang German labor leader sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan. At noong 1977, isang resolution ang pinagtibay ng General Assembly ng United Nations na nag-aatas sa mga kasaping bansa na ipagdiwang ang “International Women’s Day” tuwing ika-8 ng Marso ng kada taon. Nagsimula naman ang pagdiriwang sa ating bansa noong Marso 8, 1981, kasabay ng pagtutol ng kababaihan sa kahirapan.