Ni Alexandria Dennise San Juan
Apat na lalaki, kabilang ang isang abogado at isang 71-anyos na dating kawani ng gobyerno, ang naaresto ng awtoridad sa akto umanong bumabatak ng ilegal na droga habang nagbabaraha sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng Kamuning Police Station 10, ang mga dinakip na sina Magdaleno Talabera, 71, retired employee ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ng Sta. Cruz, Manila; Atty. Arnel Torres, 48, private lawyer, at taga-Pasig; Noel Lumabas, 41; at Raymond Rosales, 29, kapwa ng Quezon City.
Ayon kay Supt. Dela Cruz, tinimbrehan ng isang concerned citizen ang kanyang tanggapan kaugnay ng umano’y pot session sa panulukan ng Dahlia Street at Agham Road sa Barangay Central, dakong 10:30 ng gabi.
Sa pagresponde ng Station Drug Enforcement Unit sa lugar, naabutan umano ng mga awtoridad ang apat na suspek na bumabatak ng droga habang nagbabaraha.
Narekober umano sa mga ito ang isang empty plastic sachet na may latak ng hinihinalang shabu, tatlong pakete ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia, at isang set ng baraha.
Kakasuhan ang mga suspek ng illegal gambling at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).