Ni Betheena Kae Unite
Napigilan ang pag-atake ng mga pirata sa barkong naglalayag sa Sibago Island sa Basilan kahapon ng umaga, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Habang isinusulat ang balitang ito ay napaulat na ligtas na ang M/V Kudos, ayon kay Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG.
Walang malubhang nasugatan maliban sa isang tripulante, na nagkapasa umano nang makaengkuwentro ang mga pinaghihinalaang pirata, ani Balilo.
Ayon sa ulat ng Coast Guard, ilang armadong lalaki ang nagtangkang umakyat at sumampa sa barko ngunit napigilan sila ng mga tauhan ng barko, nang sabuyan nila ng mainit na tubig ang mga suspek.
Gayunman, nagpaputok ng baril ang mga armadong lalaki at ilang kagamitan sa barko ang natamaan, habang isang tauhan ang nasaktan.
Nakahingi naman kaagad ng tulong ang MV Kudos sa malapit na Coast Guard Station sa Zamboanga, na nagpadala ng multi-role response vessel, ilang maliliit na barko at bangka sa binisidad.
Nakipag-ugnayan ang mga ito sa Philippine Navy at matagumpay na nasaklolohan ang inatakeng barko.
Kalaunan ay ihinatid ang MV Kudos sa pier sa lungsod.
Inaalam pa ng Coast Guard ang eksaktong bilang ng mga armadong lalaki na umatake sa barko, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.