Ni Liezle Basa Iñigo
Nasakote na ng pulisya ang isang high-profile blasterman/medic ng New People’s Army (NPA) matapos salakayin ang lugar nito sa Barangay San Jose, Ancheta sa Maddela, Quirino nitong Huwebes ng umaga.
Kinakailangan pang magsanib-puwersa ng Quirino Police Provincial Office at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa operasyon upang maaresto si Kevin Bulayo Nilo, alyas “Glen”.
Inihayag ni Police Regional Office (PRO)-2 director Chief Supt. Jose Mario Espino na masyadong mapanganib ang suspek, na nagsanay pa umano sa Mindanao.
Ipinapalagay ng mga awtoridad na kabilang si Nilo sa mga rebeldeng lumusob sa himpilan ng Maddela Police noong nakaraang taon dahil sa narekober na cell phone rito, na dating gamit ng nasabing presinto bilang hotline.
Nakumpiska rin sa pagsalakay ang iba’t ibang uri ng pampasabog at mga baril.