Ni Mary Ann Santiago
Nagpatupad ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng traffic re-routing scheme at isinara ang ilang kalsada, bilang pagbibigay-daan sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila ngayong Biyernes, Pebrero 16.
Batay sa abiso ng MDTEU, ganap na 11:00 kagabi ay sarado na sa mga motorista ang Reina Regente Street sa Binondo, mula sa Soler Street patungong Plaza Ruiz.
Lahat umano ng sasakyan na magmumula sa Jose Abad Santos Street ay kailangang kumaliwa sa Claro M. Recto Avenue patungo sa kanilang destinasyon.
Ang mga sasakyan namang manggagaling sa Jones Bridge ay kailangang kumanan papuntang Ongpin Street, o kaya ay dumiretso papuntang Juan Luna Street patungo sa kanilang destinasyon.
Lahat naman ng sasakyan na daraan sa eastbound ng Soler Street patungong Plaza Ruiz ay pinayuhang kumaliwa papuntang Reina Regente, diretso sa Arranque Market, hanggang sa makarating sa kanilang patutunguhan.
Dapat namang kumanan sa Reina Regente ang mga tatahak sa westbound ng Soler Street patungong Plaza Ruiz, papunta sa kanilang destinasyon.
Ayon sa MDTEU, layunin ng patakarang ito na siguraduhin ang kaligtasan ng mga dadalo sa pagdiriwang ng Chinese New Year, na pangungunahan ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.