Ni Fer Taboy
Sugatan ang walong katao sa pagsabog ng bomba sa Barangay Pantar sa Bansilan, North Cotabato, iniulat ng pulisya kahapon.
Nasugatan sa pagsabog si Sanny Kadil, chairman ng Bgy. Pantar, Bansilan at pitong kamag-anak nito.
Ayon sa report ng Bansilan Municipal Police Station (BMPS), dakong 8:45 ng gabi ng Miyerkules nang hagisan ng granada ng dalawang suspek ang plaza ng Bansilan, na pinagdarusan ng selebrasyon para sa araw ng pagkakatatag ng munisipalidad.
Dahil sa lakas ng pagsabog ay aksidenteng nahagip at nasugatan si Kadil at mga kasama niyang kamag-anak habang mabilis namang tumakas ang mga suspek, sakay sa motorsiklo.
Alitan sa pamilya ang tinitingnang motibo sa pambobomba, habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek.