Ni Marivic Awitan

INANGKIN ng University of Sto. Tomas ang ikalawang sunod na panalo makaraang pataubin ang University of the East, 25-11, 25-21, 20-25, 25-15, kahapon sa UAAP Season 80 men’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagposte ang beteranong si Arnold Bautista ng 13 puntos upang pamunuan ang Tigers kasunod sina Joshua Umandal at Juren Buro na nagposte ng tig 12 puntos.

Muli ring nagpakita ng magandang laro ang setter na si Timothy Tajanlangit para sa UST, makaraang magtala ng 43 excellent sets.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dominado ng tropa ni coach Odjie Mamon ang kabuuan ng laban partikular sa net defense sa naiposteng walong blocks bukod sa paghataw ng walong service aces.

Sanhi ng kabiguan, nalaglag ang Red Warriors sa buntot ng team standings hawak ang markang 0-2.

Namuno sa losing cause ng UE sina skipper Geric Ortega na may 12 puntos Kim Adriano na may 11 at Clifford Inoferio na may 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, nakabalik mula sa di inaasahang straight sets na kabiguan sa kamay ng Far Eastern University matapos nilang igupo ang National University sa rematch ng nakaraang taong finalists, 26-24, 25-21, 17-25, 25-19.

Buhat sa 12-puntos na performance sa nakaraan nilang pagkatalo kontra Falcons, nagbalik sa kanyang dating porma ang reigning 4-time MVP na si Marck Espejo matapos magtala ng 22 attack points at isang block para pangunahan ang panalo ng Blue Eagles na nagtabla sa kanila sa Bulldogs sa patas na markang 1-1.