received_1576689529090539 (1) copy

Ni LIEZLE BASA IÑIGO

CAMP MELCHOR A. ADDURU, Tuguegarao City - Positibong cocaine ang ilegal na droga na natagpuan sa coastal area ng Barangay Dipudo sa Divilacan, Isabela, nitong Lunes ng hapon.

Inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 2 ang kanilang pahayag matapos kumpirmahin ng chemist ng Regional Crime Laboratory Office (RCLO)-2 na cocaine ang nasamsam na 18,842.1 gramo ng droga.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Ayon naman kay Chief Supt. Jose Mario Espino, director ng Police Regional Office (PRO)-2, posibleng magkaugnay ang insidenteng ito sa pagkakadiskubre rin ng P120 milyon halaga ng cocaine sa Bgy. Calintaan sa Matnog, Sorsogon, nitong Enero 5, 2018.

Ito, aniya, ay dahil sa pagkakatulad ng paglalarawan at markings ng parehong kontrabando.

Naniniwala rin si Espino na naanod at napadpad lamang ang kontrabando sa Isabela, at hindi sadyang ipapasok sa bansa.

“Ito ang kauna-unahang pagkakataong may narekober na cocaine sa Isabela. Malaki ang paniniwala ko na ang nasabing kontrabando ay hindi para sa ating bansa, dahil wala namang pagawaan at chemical para sa paggawa ng cocaine dito.

Kaya maaaring naanod lamang ito at hindi na nabawi pa ng mga sindikatong nagtangkang ipuslit ito sa pamamagitan ng ating karagatan,” paliwanag ni Espino.

Sinabi naman ni Divilacan Police chief, Senior Insp. Jonathan Ramos na may mga lumot at tinubuan na ng talaba ang container na pinaglagyan ng droga, nang ito ay matagpuan ng mga residente.

Kaugnay nito, inalerto na ang pulisya, hindi lamang sa nasabing bayan, kundi pati na rin sa iba pang coastal area sa Isabela, kaugnay ng posibilidad na sa karagatan nagpupuslit ng mga kontrabando ang mga sindikato.